DAR, nagkaloob ng kagamitang pansaka sa mga apektadong magsasaka sa Negros Occidental

NAGBIGAY ng kagamitang pansaka ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga organisasyon ng magsasaka sa lalawigan ng Negros Occidental na isa sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette.

Ito ay kasagutan para sa muling pagbangon ng mga magsasaka na isa sa mga lubhang naapektuhan dahil sa bagyo, nasa P1.35 milyon halaga ng mga support service ang ibibigay ng kagawaran.

Isa ang Palala Farmers Small Water Irrigation System Association (PAFA SWISA) ang tinulungan ng DAR.

Nakatanggap ng walk-behind transplanter, rice reaper, mechanical rice thresher, hand tractor, bio-shredder, 2-in-1 grass cutter,  package ng technology at technical training sa climate proofing at isang-ektaryang demo farm.

Ang support service package, na ipinatupad sa ilalim ng DAR’s Climate Resilient Farm Productivity Support ay nagbibigay suporta sa mga lugar na karaniwang dinadaanan ng kalamidad o nagbibigay rehabilitasyon sa mga agrarian reform area.

Ito rin ay bumubuo ng mga alternatibong kabuhayan o rehabilitasyon ng mga umiiral na kabuhayan na naapektuhan ng pabago-bagong klima.

Ayon kay OIC- Provincial Agrarian Reform Program Officer Teresita Mabunay, ang aktibidad ay solusyon upang muling makabangon ang mga disaster-affected northern areas sa nasabing lalawigan at upang mapanatili na mabigyan ng disenteng pangkabuhayan upang makabalik sila sa dating normal na pamumuhay.

Ang mga pamilyang naapektuhan ay magkakaroon ng oportunidad na mapagbuti ang kanilang produksyong agrikultural, dagdag-kita at at pagkakataon para sa pagpapaunlad ng kanilang negosyong pang-agrikultura.

Umaasa ang DAR na ang suportang ito ay makabubuti sa estado ng bawat pamilya at makatulong upang makabalik sa paaralan ang kanilang mga anak.

Ang PAFA SWISA, na matatagpuan sa Barangay Marcelo, Calatrava, ay may 247 benipisyaryo na namamahala sa 50-ektaryang taniman ng tubo at 200-ektaryang palayan.

Ang suportang tinanggap nila sa DAR ay malaking tulong upang mabawasan ang epekto ng climate change sa kanilang pananim.

SMNI NEWS