P10k tax-free teaching supplies allowance, sinimulan nang ibigay sa mga guro

P10k tax-free teaching supplies allowance, sinimulan nang ibigay sa mga guro

MABUTING balita para sa mga public school teacher! Sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, doble na ang teaching supplies allowance na matatanggap ng mga guro sa mga pampublikong paaralan—aaat… tax-free pa ito!

Ang dating teaching supplies allowance ay nag-umpisa lamang sa pitong daang piso (₱700) noong 2011 at unti-unting nadagdagan sa paglipas ng mga taon. Noong 2012, itinaas ito sa isang libong piso (₱1,000), naging dalawang libo’t limang daang piso (₱2,500) pagsapit ng 2017, umabot sa tatlong libo at limang daang piso (₱3,500) mula 2018 hanggang 2020, at tumaas pa sa limang libo (₱5,000) mula 2021 hanggang 2024. Ngayon… umabot na ito sa sampung libong piso (₱10,000).

Nagsimula na ang distribusyon ng allowance noong nakaraang linggo sa rehiyon ng CARAGA, habang sinimulan na rin ngayong linggo ang pamamahagi sa National Capital Region at iba’t ibang panig ng bansa.

Layunin ng batas na ito na matulungan ang mga guro sa pagbili ng mga kagamitan sa pagtuturo, at bawasan ang gastusin na kadalasang sila mismo ang sumasalo para sa kanilang mga klase.

Itinuturing itong isang konkretong hakbang para kilalanin ang sakripisyo, tiyaga, at dedikasyon ng mga guro sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.

Ang Kabalikat sa Pagtuturo Act ay inakda at isinulong ng iba’t ibang senador at pinangunahan sa sponsorship ni Senador Bong Revilla.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble