P11-B halaga ng shabu, nasamsam ng awtoridad sa Quezon Province

P11-B halaga ng shabu, nasamsam ng awtoridad sa Quezon Province

NASABAT ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa P11 bilyong halaga ng shabu mula sa 10 suspek sa probinsiya ng Quezon.

Nakuha  mula sa mga suspek ang dalang shabu na nakasilid sa 1,589 na tea bags.

Alas kwatro ng madaling araw noong Marso 15 nang isinagawa ang operasyon ng pinagsanib pwersa ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD) at Lucena District Office (LUCDO) sa pakikipagtulungan sa PNP Infanta, Quezon at PDEA Lucena sa Brgy. Comon, Infanta Quezon.

Sa panayam ng SMNI News kay Police Regional Office 4A Police Major Mary Anne Crester Torres, isa ang kanilang kapulisan sa naging susi ng pagkakahuli ng mga suspek.

“Nag-coordinate lang po si NBI sa PNP natin para makapag-establish ng checkpoint at nang maharang po yung mga sasakyan,” pahayag ni Torres.

Ayon pa kay Torres, agad ding dinala sa Antipolo ang mga suspek kasabay ng mga nakumpiskang shabu para sa inventory.

“Yun po, doon na po dinala sa Antipolo area para doon na gawin yung inventory kasi alanganin daw po yung lugar,” ani Torres.

Kinilala ang mga suspek na sakay ng tatlong commuter vans na sina:

1) Jamelanie Samsono y Cabiao

2) Reynante Alpuerto y Ane

3) Jenard Samson y Cabiao

4) Mark Bryan Abonita y Llanes

5) Dante Manoso y Catalan

6) Kennedy Abonita y Llanes

7) Marvin Gallardo y Handeza

8) Eugene Pandoma y Gacutan

9) Alvin Evardo y Alonzo

10) Jaymante Gallaro y Handeza

Ayon naman kay NBI OIC-Director Eric B. Distor, dahil sa matagumpay na operasyong ito, agad na ginawaran ng spot promotion ang mga kasamahan nito sa naturang operasyon.

Aminado naman ang PNP Quezon na tila naunahan sila ng operasyon ng NBI pero nangako sila ng mas malawak pa na follow-p operations sa mga posible pang sangkot sa malaking bultong droga na ito at sa iba pa nilang anti-drugs operations.

“Actually, Sir, noong Command Conference po at saka noong assumption naman niya (PGen. Dionardo Carlos) po, yun naman po ang binilin niya sa mga pulis natin sa baba na lakihan daw po yung huli,  paigtingin daw po yung pag-gather ng information. Yun nga lang Sir, naunahan kami ng NBI, mas matagal na po nila yata nilang inaabangan eh,” ani Torres.

Samantala, lahat ng arestadong suspek ay kasalukuyan nang sumasailalim sa inquest proceedings sa paglabag sa Section 5 of RA 9165 or Transportation of Illegal Drugs.

Follow SMNI NEWS in Twitter