P190-M halaga ng mga pekeng kalakal, nasamsam ng BOC

P190-M halaga ng mga pekeng kalakal, nasamsam ng BOC

NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS), kasama ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) ang iba’t ibang mga pekeng kalakal na nagkakahalaga sa P190-M.

Ayon sa BOC, ginawa ang inspeksyon sa isang warehouse sa Mapulang Lupa, Valenzuela City sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na inisyu ng commissioner of customs.

Dito natagpuan na mayroong imported kitchenware, housewares, IPR infringing goods, at foodstuff, at iba pa na  tinatayang nagkakahalaga ng P190 million.

Ayon sa BOC ang inventory ng mga kalakal ay isasagawa sa mga nakatalagang customs examiners at dapat masaksihan ng CIIS, Enforcement and Security Service (ESS), at mga kinatawan ng warehouse.

Ang warrant of seizure and detention ay ilalabas laban sa subject goods para sa paglabag sa Section 118 (f) ng Republic Act (RA) no. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng R.A. 8293 o ang Intellectual Property Code ng 1999.