SINALAKAY ng mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Fraud and Commercial Crime Unit kasama ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang pabrika ng mga pekeng sigarilyo sa Bulacan.
Sa operasyon, nasabat ang P2.4B halaga ng pekeng sigarilyo at mga kagamitan sa paggawa nito.
Ang mga pekeng sigarilyo, ipinakakalat umano sa Valenzuela.
Ayon sa impormasyon, ang nasabing planta ay may kakayahang makagawa ng 12.9 milyon pirasong sigarilyo kada araw na may katumbas na kita na aabot sa P45M kada araw.
Bukod sa mga produkto at kagamitan, na-rescue rin sa operasyon ang 155 na biktima ng trafficking habang 6 na dayuhang nationals naman ang naaresto.
Kasalukuyang nahaharap sa patung-patong na kaso ang mga suspek kabilang ang tax evasion, intellectual property violations, human trafficking, at iba pang kasong kriminal.
Kaugnay rito, agad na dinala sa kinauukulang opisina ang mga suspek kasabay ng paalala ng mga awtoridad sa publiko na papanagutin ang mga sindikato ng iba’t ibang ilegal na gawain na nagdudulot ng takot at pangamba sa seguridad ng publiko.