PATULOY ang maigting na kampanya ng Department of Agriculture (DA) laban sa agricultural smuggling.
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda at mapanatiling competitive ang mga lokal na produkto.
Nitong Enero lang, sinabi ng DA na nasa P202.5 milyong halaga ng agri-fishery products ang nasabat mula sa 24 containers sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port (MICP).
Sa 24 na nahuling vans, 9 dito ay ipinadala sa Seaster Consumer Goods at naglalaman ng mga pula at puting sibuyas na tinatayang nasa P77.8 milyon ang halaga.
Nadiskubre naman sa mga sumunod na mga operasyon ang multi-million smuggled agri-produce ng consignee na Asterzenmed Inc.
Sinabi ng DA na nadiskubre din na ang mga produkto ay mula Hong Kong, China at walang sanitary at Phytosanitary Import Clearance.