NASA mahigit P23 billion ang ibinigay na alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) para sa pag-upgrade ng iba’t ibang healthcare facilities at services sa buong bansa.
Ang nasabing pondo ay sa ilalim ng proposed 2023 national budget.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, dapat maging handa ang bansa para sa anumang unprecedented situation at health emergencies.
Dagdag pa ni Pangandaman, ang COVID-19 pandemic ay naglalarawan ng pangangailangan para sa isang malakas na sistema ng pangangalaga sa kalusugan.
Kung kaya’t magiging prayoridad sa badyet ang healthcare system ng bansa.
Saysay ng DBM, naaayon sa pangako ng administrasyong Marcos ang malaking halaga ng badyet para suportahan ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Ang programa ay naglalayong magdala ng kalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan lalo na sa mga rehiyon at kanayunan.
Gagamitin ang P23 bilyong pondo para sa pagbili ng mga kagamitang medikal gayundin sa pagtatayo, rehabilitasyon, at pag-upgrade ng iba’t ibang pasilidad ng kalusugan sa buong bansa.
Ito ay tulad na lamang ng barangay health stations, rural health units, polyclinics, LGU hospitals, DOH hospitals, at iba pang health facilities.
Bukod sa pagpabubuti ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan, palalakasin din ang pagbibigay ng suporta sa healthcare workforce.
BASAHIN: Senator Revilla, pinabibilis ang pagtatayo ng health facilities sa bansa