P4-B, inilaan para sa fuel assistance ng mga magsasaka, transport workers

P4-B, inilaan para sa fuel assistance ng mga magsasaka, transport workers

NAGLAAN ang administrasyong Marcos ng kabuoang P4 bilyon para sa fuel assistance sa mga magsasaka at transport workers.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, naka-charge ang naturang funds against sa regular na badyet ng Department of Transportation (DOTr) at ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).

Saysay pa ng Budget chief, patuloy na magkakaloob ng fuel subsidies ang pamahalaan lalo na sa most vulnerable sectors — ang public transport at agriculture.

Ang hakbang aniya ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Batid ni Pangandaman ang hirap na dulot ng pandemya at naiintindihan aniya nito na maraming naapektuhang mga tsuper, magsasaka at mga mangingisda.

Kaya saad ng kalihim, tinitiyak ng gobyerno na mabigyan ng tulong ang sektor ng transportasyon at agrikultura upang mapalakas ang pagbangon ng ekonomiya.

May kabuoang P3 bilyon ang inilalaan sa 2023 national budget sa sa pamamagitan ng fuel voucher para sa mga qualified public utility vehicle (PUV), taxi, tricycle, at full-time ride-hailing at delivery services drivers sa buong bansa.

Ang naturang halaga ng pondo ay mas mataas ng P500 milyon kumpara sa P2.5 bilyon sa fuel subsidy program ng 2022 budget.

Layunin ng nasabing budget allotment na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa libu-libong PUV drivers.

Ang pagpapatupad ng programa ay napapailalim sa mga panuntunan na inilabas ng DOTr, ng Department of Energy (DOE), at ng DBM.

Ang mga benepisyaryo naman ay iva-validate at tutukuyin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Samantala, ang halagang P1.0 bilyon ay inilalaan para sa fuel assistance sa mga magsasaka at mangingisda.

Mahigit 312,000 magsasaka at mangingisda ang makikinabang sa fuel subsidy.

P3,000 ang matatanggap ng bawat benepisyaryo para matiyak na walang magiging sagabal sa produksyon ng agrikultura at mga operasyon ng pangingisda.

Follow SMNI NEWS in Twitter