PAGSAPIT ng unang linggo ng Abril, sasalubong sa mga mananakay ng LRT-1 ang dagdag-pasahe na aabot sa P5–P10.
Epektibo na ito simula Miyerkules, Abril 2.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang dating minimum na pamasahe na P15 ay magiging P20 na para sa mga gumagamit ng single journey ticket.
Samantala, ang end-to-end fare mula Dr. Santos Station sa Parañaque hanggang Fernando Poe Station sa Quezon City ay tataas mula P45 patungong P55.
Mas mababa naman ang itinaas ng pasahe sa mga gumagamit ng stored value tickets o beep cards, kahit na sinubukan ng ilang transport groups na harangin ito sa Malacañang.
Sa kabila ng mga apela, iginiit ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi na pwedeng ipagpaliban ang fare increase.
“There has not been a fare increase in LRT-1 in the past how many decades I think since the beginning. Wala namang problema na mag-file ng mga motion na mag-file ng mga appeal pero ang desisyon ngayon ay tuloy ang fare increase,” ayon kay Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.
Dagdag pa ni Dizon, ayaw niyang maulit sa LRT-1 ang nangyari sa MRT-3, kung saan naapektuhan ang operasyon dahil sa mga kinansalang kontrata.
“Nagkanda-sira sira at nagkanda-letse letse ang MRT-3. Hindi ako papayag na mangyari sa LRT-1,” ani Dizon.
Ayon sa LRMC, ang dagdag-pasahe ay isang hakbang upang mapanatili at mapahusay pa ang serbisyo sa mga pasahero.
“While Light Rail Manila Corporation (LRMC) understands concerns about fare increases, we want to assure the public that this adjustment is necessary to continue improving the commuter experience. LRT-1 remains one of the most affordable and efficient transportation options,” pahayag ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Pero para sa maraming pasahero, isa na namang dagdag-pasanin ang P5–P10 na taas-pasahe.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hirap na umano silang pagkasyahin ang kanilang sahod.
“Siyempre, mabigat ‘yan kasi ang sahod namin ay panggastos lang wala namang ibang choice kundi sumakay na lang, tapos minimum lang sahod namin dito, siyempre sana taasan din ang sahod namin,” wika ni Randon Umachag, Komyuter.
Follow SMNI News on Rumble