INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P50-M sa Department of Agriculture (DA).
Ito ay para sa pagpapatupad ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program.
Ito ay sa ilalim ng Republic Act 11321 (Sagip Saka Act),” na pinondohan sa ilalim ng FY 2023 General Appropriations Act (GAA).
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na mananatiling prayoridad ng gobyerno ang food security at ang dagdag na pondo ay ipagkakaloob para sa mga pangunahing programa ng DA.
Inilahad pa ni Pangandaman na kasabay ng pag-unlad ng land-based agri-industries, dapat ding pasiglahin ng pamahalaan ang paglago ng aquaculture.
Ang Sagip Saka Law ay nag-aatas sa DA na ituloy ang complete approach sa mga inisyatiba sa pagpapaunlad ng negosyo upang higit pang palakasin ang kultura ng entrepreneurship sa mga magsasaka at mangingisda.
Ang mga inisyatiba ay nagdala sa pagbuo ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program.
May tatlong tinatawag na focus areas ang programa at ang mga target na resulta ng implementasyon nito: ang Inclusive Agribusiness Development na layong matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na maging tunay na business partners sa agro-industry players; ang Agripreneurship Capability Enhancement na layong mapabuti ang capacity-enhancing support services, halimbawa, sa finance, training, at technology; at Enterprise Development Services para palakasin ang agri-fishery enterprise development services ng DA.
Kasabay nito’y muling binigyang-diin ng DBM chief ang pangmatagalang layunin ng 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyong Marcos kaugnay ng pagsusulong ng Philippine Development Plan 2022-2028.