HINDI malayong aabot hanggang P50 ang pamasahe sa jeep kung tuluyan nang maipatupad ang PUV modernization program.
Sa pahayag ng grupong Commuters of the Philippines, ito’y dahil malaki ang amortization para makabili ng modern jeepney na magreresulta rin ng pagtaas ng pamasahe.
Binigyang-diin ng grupo na dapat mai-timing o idaan sa tamang phasing ang PUV modernization dahil wala rin namang ayaw tungo sa pagkakaroon ng modernong uri ng jeepney.
Sinabi na ni Sen. Koko Pimentel na magandang iurong ang deadline ng PUV consolidation at sa halip ay i-advertise ang programa upang magiging voluntary lang ang pagsali ng operators at drivers dito.
Mainam din aniya na mai-adjust ang requirements maging ang obligasyong pinansiyal na kinakailangan sa PUV modernization.
Epektibo rin aniya kung suriin ang tunay na mga rason kung bakit marami-rami pa rin ang hindi sumasali halimbawa sa PUV consolidation na nagkaroon ng deadline noong December 31, 2023.