UMAASA si Sen. Grace Poe na tutugunan ng Korte Suprema ang petisyon hinggil sa pagpapahinto ng implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Kasunod na rin ito sa utos ng Korte Suprema na magkomento ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa ipinanawagang temporary restraining order ng PISTON laban sa implementasyon ng programa.
Ayon sa senadora, bukas para sa kaniya ang mabigyan ng extension ang December 31, 2023 deadline ang PUV operators na bigong makapag-aplay para sa consolidation bilang bahagi ng PUVMP.
Kung mabibigyan ng extension ang PUV operators, sinabi ni Poe na magkakaroon na ng sapat na panahon ang lahat ng transport groups para pag-isipan at gawin ang consolidation.
Hangad aniya ng lahat na magkaroon ng win-win situation kung saan mapapaunlad ang kabuhayan ng drivers at operators kasabay ang maginhawang pagbiyahe ng commuters.
Sa ngayon, ang mga hindi kasama sa consolidation ay hindi na maaaring makapag-operate simula nitong January 1, 2024 partikular na sa mga rutang umabot sa 60% ang sumali sa nabanggit na proseso tungo sa PUV modernization program.
Ang mga ruta naman na mababa sa 60% o zero ang sumali sa consolidation ay maaaring makapag-operate subalit hanggang January 31 lang.