MARIING pinabulaanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kumakalat na pahayag ng IBON Foundation patungkol sa pamasahe sa modern jeep.
Batay kasi sa pag-aaral ng grupo na posibleng umabot sa P50 ang pamasahe ng mga modern jeepney sa oras na umarangkada ang jeepney modernization sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Iginiit ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III na “statistics impossible” ang sinabi ng grupo dahil hindi pa naman nangyayari ang labis na pamasahe sa modern jeep.
“Napakalayo po ng P15 sa P50. Ang ganyang nilulutang ng commuter group ay walang katotohanan,” pahayag ni Asec. Teofilo Guadiz III, Chairperson, LTFRB.
Paliwanag niya, wala namang taas-pasahe na hindi dumaraan sa tamang proseso ng ahensiya.
“Where are they getting their data? Pinag-aralan ba nila iyan? You just can’t blurt out things like that,” ani Guadiz.
Sa katunayan, nagsasagawa muna ng pag-aaral sa iba’t ibang sektor sa pagbuo ng mga projection ng pagtaas ng pamasahe.
Noon pa aniya man ay binabalanse na ng LTFRB ang pangangailangan ng mga tsuper at komyuter kapag tumataas ang presyo ng petrolyo.
Sa katunayan, nasa P13 lamang ngayon ang pamasahe sa tradisyunal na jeep habang P15 naman sa modern jeep.
“The minimum fare for a traditional jeep is ₱9, whereas a modern jeep costs ₱11 since the beginning of PUV modernization in 2017. The minimum fare for a traditional jeep is ₱13, while a modern jeep is ₱15 after six years (2023). Ang P2 difference and never pong nagbago,” aniya.
Binigyang diin pa ng opisyal na ang mga pagpapahayag ng grupo ay dapat na suportahan ng datos upang hindi magdulot ng alarma sa publiko, lalo na sa mga commuter.
“LTFRB remains committed to providing better service to the people and stressed that no unreasonable fare hikes will be implemented that would only add burden to the commuters,” aniya pa.