P6.35-T proposed national budget para sa 2025, aprub sa Malacañang

P6.35-T proposed national budget para sa 2025, aprub sa Malacañang

APRUBADO sa Malacañang ang 6.352-trilyong pisong proposed national budget para sa 2025.

Tiniyak naman ng Budget Department ang napapanahong pagsusumite sa Kongreso ng naturang panukala.

Iprinisenta ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang panukalang pambansang pondo para sa Fiscal Year (FY) 2025 sa ginanap na cabinet meeting ng Malakanyang nitong ika- 2 ng Hulyo ngayong taon.

Inaprubahan naman ng Pangulo ang proposed National Expenditure Program (NEP) na sumusuporta raw sa mga pangunahing haligi ng Philippine Development Plan 2023-2028 ng administrasyon.

Kaugnay dito, tiniyak ng DBM ang napapanahong pagsusumite sa Kongreso ng P6.352 trilyon panukalang national budget para sa susunod na taon.

Target ni Secretary Pangandaman na maisumite sa Kongreso ang proposed budget sa ika-29 ng Hulyo, isáng linggó makalipas ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.

Ayon kay Pangandaman, maingat at masusing binuo ang naturang panukalang pambansang pondo upang matiyak ang prayoridad ng gobyerno.

Kabilang daw dito ang food security, social protection, healthcare, housing, disaster resilience, infrastructure, digital connectivity, at energization.

Sa ilalim ng inaprubahang NEP, ang sektor ng edukasyon ay patuloy na makakakuha ng pinakamalaking porsyento ng pambansang badyet, alinsunod sa mandato na tinukoy ng konstitusyon.

Ito’y kinabibilangan ng DepEd, SUCs, CHED, at TESDA.

Makakatanggap din ng makabuluhang pagtaas ng badyet ang sektor ng kalusugan kasama ang PhilHealth, pati na rin ang public works (DPWH), interior and local government (DILG), at defense (DND).

Kabilang din sa mga pangunahing prayoridad ng gobyerno ang social welfare (DSWD), agriculture (DA) at attached corporations; Department of Agrarian Reform (DAR); Department of Transportation (DOTr), ang hudikatura, at hustisya.

Ang proposed national budget para sa susunod na taon ay 10.1 percent na mas mataas kaysa FY 2024 General Appropriations Act (GAA) na PhP 5.768 trilyon.

Katumbas din ito ng 22.0 porsyento ng GDP, gaya ng natukoy sa pulong kamakailan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble