NAGLABAS ang Pambansang Pulisya ng higit P7.6-B para sa mid-year bonus ng mahigit sa 200-K aktibong pulis sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang mid-year bonus ay bahagi ng taunang pondo na katumbas ng isang buwang suweldo ng mga pulis.
Bahagi rin ito ng pagkilala sa mga sakripisyo at pagiging tapat ng mga pulis sa kanilang tungkulin na mapanatiling maayos ang seguridad at kapayapaan sa mga komunidad sa bansa.
“This bonus reflects the government’s appreciation for the relentless dedication of our men and women in uniform. It underscores their pivotal role in upholding peace and security nationwide,” saad ni PGen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Pinaalala naman ng PNP – hindi makakakuha ng mid-year bonus ang mga pulis na may nakabinbing kaso bilang bahagi ng disciplinary policy ng organisasyon.
Sa huli, muling tiniyak ng liderato ng PNP ang matatag at solidong suporta nito sa kanilang mandato at sa sambayanang Pilipino tungo sa pagtataguyod ng seguridad at sa mataas na morale ng pulis sa bansa.
“We assure the public that the PNP remains committed to its mandate of serving and protecting the Filipino people, and this bonus will only strengthen our resolve to perform our duties with excellence and integrity,” dagdag ni Marbil.
Matatandaang, ilang araw na ring nababalot ng kontrobersiya ang PNP dahil sa kumakalat na destabilisasyon umano’y laban sa pamahalaang Marcos Jr.
Bagamat tuluy-tuloy pa rin ang ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa mga isiniwalat na impormasyon ni dating Sen. Antonio Trillanes na may iilang aktibong opisyal ng PNP ang nagbabalak na sirain ang gobyerno kasama ng iba pang miyembro ng pambansang pulisya.
Nauna na ring hinamon ang dating senador na maglabas ng ebidensiya sa mga ipinakakalat nitong impormasyon laban sa PNP.