SA unang araw ng Hulyo ngayong taon, may isinampang kasong kriminal sa Court of Tax Appeals (CTA) kaugnay ng dalawang malakihang operasyon laban sa ilegal na sigarilyo.
Ang mga naharang produkto ay mula sa operasyon sa Valenzuela City at sa San Rafael, Bulacan.
Ayon kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr., ang mga kasong ito ay resulta ng sabayang operasyon noong Nobyembre 6, 2024, na pinangunahan ng ahensiya kasama ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa isang warehouse sa Valenzuela City, nadiskubre ang 600 master cases ng untaxed cigarettes o ang mga sigarilyong hindi nabuwisan, habang sa San Rafael, Bulacan, nadiskubre ang 7,844 master cases ng sigarilyo, pati na ang mga manufacturing equipment.
“Mahalaga na malaman na ang mga kasong ito ay umabot na sa CTA matapos paboran ng DOJ ang ating reklamong criminal,” ayon kay Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
Pahayag pa ni Lumagui, ang kabuuang tax liabilities mula sa dalawang magkahiwalay na operasyon ay umabot sa P796M.
Sa Valenzuela operation, humigit-kumulang P200M ang tinatayang tax liability, habang nasa P596M naman sa operasyon doon sa San Rafael.
“Ang mga kasong ito ay hindi lamang simpleng paglabag sa Tax Code, kundi malinaw na intensyon na umiiwas sa pagbabayad ng buwis sa napakalaking halaga,” saad ni Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
155 manggagawang Pilipino, biktima ng human trafficking sa isang iligal na pabrika ng sigarilyo sa Bulacan
Samantala, sa parehong operasyon sa San Rafael, natuklasan din ang umano’y kaso ng human trafficking.
Saad ni Lumagui, mayroong 155 manggagawang Pilipino ang umano’y biktima ng human trafficking sa nangyaring operasyon sa San Rafael, Bulacan.
Dahil dito, bukod sa kaso ng tax evasion, may hiwalay ding isinampang kasong human traffiking ang PNP-CIDG laban sa mga sangkot sa iligal na gawain na ito.
“Pinilit silang magtrabaho dito sa isang iligal na pabrika ng sigarilyo sa marumi at napakadelikadong kondisyon. Kaya hindi lamang ito kaso ng tax evasion kundi malinaw na pag-abuso sa karapatang-pantao,” dagdag ni Lumagui.