Pag-aaral para sa posibleng umento sa sahod ng gov’t employees, matatapos sa loob ng 1st half ng 2024—DBM

Pag-aaral para sa posibleng umento sa sahod ng gov’t employees, matatapos sa loob ng 1st half ng 2024—DBM

NAKATAKDANG tapusin ng pamahalaan ang komprehensibong pag-aaral sa posibleng salary adjustment ng mga manggagawa sa gobyerno sa unang kalahati ng 2024.

Ito ang sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sabay nagpahayag ng suporta sa pagtataas ng suweldo ng government workers.

Ang inisyatiba na ito, sa pangunguna ng DBM at ng Governance Commission for GOCCs (GCG), ay naglalayong tiyakin ang isang mapagkumpitensiya at patas na compensation package.

Ipinahayag ni Pangandaman na ang tumataas na halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa ay nagtatampok sa pangangailangang repasuhin ang kasalukuyang estado ng kompensasyon ng mga empleyado ng gobyerno.

“We recognize that the rising cost of the basic commodities and services in the country highlights the need to review the current state of compensation of government employees,” saad ni Sec. Amenah Pangandaman, DBM.

Dagdag ng kalihim, ang iminungkahing compensation adjustment ay dapat isaalang-alang hindi lamang ang inflation rate at cost of living adjustments, kundi pati na rin ang standard market practices.

Ito’y upang matiyak na ang pagtra-trabaho sa gobyerno ay nananatiling kanais-nais at maihahambing sa pagtra-trabaho sa pribadong sektor.

Ang Compensation and Benefits Study na kasalukuyang isinasagawa ay tutuklasin ang iba’t ibang aspeto ng kasalukuyang sistema ng kompensasyon kabilang ang mga suweldo, benepisyo, at allowance.

Inilahad ng Budget Chief na ang mga resulta ng pag-aaral ay magsisilbing batayan para sa paggawa ng mga kinakailangang pagbabago sa Total Compensation Framework (TCF) ng civilian government personnel.

Ang nasabing hakbang ay maaaring nasa anyo ng mga pagtaas ng sahod, pag-adjust sa rate ng mga benepisyo at allowance, rasyonalisasyon ng mga benepisyo, at/o ‘fine tuning’ ng kasalukuyang Total Compensation Framework ng pamahalaan.

Ang gastos para sa implementasyon ng nasabing compensation adjustment ay dapat magmula sa available appropriations sa ilalim ng Fiscal Year (FY) 2024 General Appropriations at mga susunod na taunang paglalaan.

Follow SMNI NEWS on Twitter