PARA sa political analyst na si Austin Ong, hindi kaduwagan ang pag-atras ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa hamon nito na makipag-debate kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Ito’y matapos umani ng puna at batikos ang pagtatalaga ng Pangulo kay Palace Spokesman Harry Roque para harapin si Carpio sa debate sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
(BASAHIN: Roque, inatasan ni Duterte na makipag-debate kay ex-Associate Justice Carpio)
Ayon kay Ong, ang lahat ng mga bumatikos sa hakbang ng Presidente ay hindi naiintindihan ang salitang “leadership.”
Halimbawa ni Ong, nang magdeklara noon ang US government ng giyera sa ilang mga bansa sa Middle East.
Aniya, hindi ang pangulo ng Amerika ang nagpunta doon at personal na nakipag-giyera.
Bagkus, nagpadala ng mga sundalo ang US government para makipagbakbakan.
Bukod dito, kapag hinamon ng isang lider ng bansa ang kanilang mga kritiko abroad o kung hindi kaya ang United Nations, ang mga batikang abogado ang ipinapadala at hindi mismo ang pangulo.
Paliwanag ni Ong, ganito ang ginawa ng Pangulo nang italaga niya si Roque.
Bagama’t siya ang naghamon ng debate pero siya pa rin ang Pangulo ng bansa.
Diin ni Ong, hindi umatras sa debate si Pangulong Duterte dahil delegation ang ginawa ito na bahagi ng kanyang mandato.
Pastor Apollo, “wise move” ang pag-atras ni PRRD sa debate vs Carpio
Samantala, para naman sa Executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo C. Quiboloy, naisahan ni Pangulong Duterte si Carpio.
Ayon kay Pastor Apollo, nabingwit ng Presidente si Carpio nang italaga si Roque para makipag-debate.
Paliwanag ng butihing Pastor, napaka-wise ng hakbang ng Pangulo dahil nothing to lose si Carpio sa debate laban sa Punong Ehekutibo.
Diin din nito na checkmate si Carpio sa queen’s gambit ni PRRD. Kung sa larong chess ay knight lang ang haharap kay Carpio dahil mautak ang King.
“Nabingwit si Carpio sa hamon ni Pres. Duterte at pagkatapos pinasa siya sa kanyang ka-level na si Spox (Harry) Roque na hinamon si Carpio sa two to one debate (Carpio+Del Rosario) vs Roque. Wow ha! Napakawise talaga ni PRRD. Supalpal na naman si Carpio. Hindi siya pinagbigyan ni PRRD na sumikat dahil nothing to lose siya ‘pag hinarap ng pangulo sa debate. Kasi Carpio is nothing and PRRD is everything,” ayon kay Pastor Apollo.
“Wise move Mr. President! Kung sa chess pa, checkmate si Carpio sa queen’s gambit ni PRRD. ‘Yun pala, KNIGHT lang ang haharap sa kanya. Mautak ang king, naka-in rook defense pa! Shocked ang kalaban!” dagdag pa ng butihing Pastor.