Pag-bypass ng NEDA sa legal na proseso sa pagpataw ng mababang taripa sa imported rice, kinuwestiyon

Pag-bypass ng NEDA sa legal na proseso sa pagpataw ng mababang taripa sa imported rice, kinuwestiyon

NAKITAAN ng paglabag ng mga grupo ng magsasaka si NEDA Sec. Arsenio Balisacan sa implementasyon ng EO 62 o ang bawas-taripa sa imported agricultural products.

Binatikos ng iba’t ibang agricultural groups ang inilabas na Executive Order No. 62 (EO 62) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan.

Ito ay kaugnay pa rin sa implementasyon ng 15 porsiyento na taripa sa imported na bigas.

Magiging epektibo kasi ang rice tariff cut sa Hulyo 5 ng taon.

Bagamat hindi pa man epektibo ang naturang EO ay puspusan na ang paghadlang dito ng grupo ng mga magsasaka.

“May mga report kaming natatanggap na bumababa na ‘yung presyo ng palay. So, between now and November when the review will takes place, a lot of damage will happen,” ayon kay Leonardo Montemayor, Former DA Secretary & Chairman, FFF.

“Kapag main harvest period generally the price is low tapos sasabayan pa ng imports ng 15% na tariff, doble ang impact,” aniya.

Ikinadismaya rin ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pag-bypass ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa mga basic requirement ng batas.

Sabi ni SINAG Chairman Rosendo So, hindi dumaan sa legal na proseso ang NEDA sa kagustuhan nila na mabilisang ipatupad ang EO 62.

Sumulat sila sa National Printing Office para makahingi ng kopya ng naturang EO ngunit bigo itong maibigay dahil sa katatanggap pa lang nila ng EO 62 kahapon, Hulyo 25.

“Sumulat tayo sa National Printing Office (NPO) para hingin ‘yung Certified True Copy ng Executive Order (EO) 62 s. 2024 at ‘yung Certification of Publication ng Executive Order (EO) 62 s. 2024,” wika ni Rosendo So, Chairman, SINAG.

Gusto ng SINAG na linawin ito ng NEDA Chief dahil kahit ang Bureau of Customs (BOC) ay hindi maaaring ipatupad ang 15% na taripa sa mga imported rice.

“Ang pag-upload sa Official Gazette ay hindi publication, kaya nga ang EO (EO 62) ay ipinadala sa NPO para sa publication. Ang publication ay kailangan at nakasaad sa batas; ang publication ay laging publication sa hard copy sa isang pahayagan o sa Official Gazette,” aniya.

Dahil dito, hindi pa maaaring maghain ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema ang mga grupo dahil wala itong hawak na kopya ng E0 62.

Ilang konsyumer, hindi na naniniwala sa P42 na presyo ng bigas sa merkado kasabay ng implementasyon ng 15% taripa sa imported rice

Una na ring sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na kapakanan pa rin ng mga magsasaka ang prayoridad ng ahensiya.

“Committed naman ‘yung gobyerno na kung anuman ang mawawala sa RCEF fund ay pupunuan para matulungan para sa mga kagamitan at pangangailangan ng mga magsasaka,” saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

Posibleng irekomenda ni Laurel na muling itaas ang taripa sa imported rice pagdating ng buwan ng Nobyembre. Ito aniya ay kung bababa sa P42/kg ang presyo ng bigas sa merkado. Pero, para sa ilang Pilipino hindi na kapani-paniwala ito.

“Kung bumaba significantly yes, kung kaunti maybe not yet…” ani Laurel.

“Kung mapababa natin ‘yan ng 45 pesos I think malaking bagay ‘yun,” aniya.

“Malabo, siguro pero kung mangyayari man ‘yan hindi ganon kababa gaya ng sinasabi nila,” ani Verdin Corpuz, Konsyumer.

“Hindi na po, kasi magulang ko farmers. So, mahal ‘yung fertilizers so hindi na talaga bababa ‘yan,” saad ni Gemma Arnaiz, Konsyumer.

Ang ilang tindero ng bigas sa Commonwealth Market, hindi pa rin nagbababa ng presyo sa imported rice dahil sa mahal na puhunan.

“Medyo matumal kasi bentahan ngayon eh. Sobrang hirap magbenta kasi hindi gaya noon dati na medyo mababa pa ang bigas,” ayon kay Teresita, tindera ng bigas.

Para sa ilang negosyante, umaasa silang bababa ang presyo ng bigas upang bumalik ang dating kita.

“Posible po, dahil sa pagbaba ng taripa …. Kaya, maaaring bumaba pa siya,” wika ni Alfonso Flores, tindero ng bigas.

Sa price monitoring ng DA, hindi nagkakalayo ang presyuhan ng imported rice at lokal sa ilang merkado sa Metro Manila.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter