PINAGTIBAY ng Supreme Court ang pagbasura ng National Telecommunications Commission (NTC) sa aplikasyon ng Next Mobile Incorporated na ngayon ay pinangalanang NOW Telecom at iba pang kompanya na nag-apply para sa Third-Generation Mobile Communications Technology o 3G radio frequency.
Sa desisyon ng Korte Suprema ay pinawalang saysay ang petisyon na kumuwestyon sa kautusan ng NTC noong Disyembre 28, 2005 at Agosto 28, 2008 kaugnay sa diskwalipikasyon ng Next Mobile.
Kasama ring na-disqualify ang Bayan Telecommunications o BayanTel, Multi-Media Telephony Inc. o MTI, at AZ Communications Inc.
Sinang-ayunan din ng Korte Suprema ang petisyon ng NTC laban sa 2010 ruling ng court of appeals na nag-atas sa telecommunications regulatory body na maglaan ng ika-lima at pinal na 3G slot sa BayanTel.
Nakasaad sa Supreme Court decision na na-disqualify ang Next Mobile dahil hindi pa nito nababayaran ang spectrum user fees at supervision and regulations fees na aabot sa P135.6-M hanggang noong Disyembre 2005.