NAGLABAS na ng show cause order ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa insidente kung saan napilitang mag-divert sa Haneda Airport sa Japan ang Philippine Airlines (PAL) flight PR102 patungong Los Angeles noong Abril 9 dahil sa problema sa air conditioning.
Iniutos ni Transportation Secretary Vince Dizon sa Civil Aviation Authority of the Philippines at Civil Aeronautics Board na imbestigahan ang insidente at alamin kung bakit lumipat ang flight.
Kinakailangan ding magpaliwanag ang PAL at magbigay ng kompensasyon sa mga apektadong pasahero.
Sinabi ni Sec. Dizon na nakipag-ugnayan na sila sa Philippine Embassy sa Tokyo para sa mga pasahero ng PR102 na makakuha ng visa para makapag-stay sila sa labas ng airport habang naghihintay ng kapalit na flight patungong Los Angeles.
Ligtas namang nakarating sa Haneda Airport ang tatlong daan at limampu’t limang (355) pasahero at crew.
Humihingi naman ng paumanhin si Dizon sa mga pasaherong naantala dulot ng insidente, nagpaalala rin sya sa mga airline na obligasyon nito na pangalagaan ang mga pasahero.