Pag-iingay sa isyu ng bentahan ng Divisoria Public Market, may epekto sa pangangampanya ni Mayor Isko

Pag-iingay sa isyu ng bentahan ng Divisoria Public Market, may epekto sa pangangampanya ni Mayor Isko

AMINADO si Aksyon Demokratiko Chairman Ernest Ramel na kagagawan ng kampo ni presidential candidate at dating Senator Ferdinand Bongbong Marcos ang pag-iingay sa bentahan ng Divisoria Public Market.

Naniniwala ang Aksyon Demokratiko na kasunod ng ginawa nilang pangangalampag sa pagkakautang na mahigit P200 bilyong estate tax ng pamilyang Marcos, ang pag-iingay naman ngayon sa isyu ng bentahan ng Divisoria Public Market ay kagagawan naman ng tagasuporta ni Marcos.

Sa isang pulong balitaan na ginawa ngayong araw ay kinumpirma  ni Aksyon Demokratiko Chairman Ernest Ramel na maaaring nakakaapekto rin sa pangangampanya ni Manila City Mayor at presidential candidate Isko Moreno Domagoso ang mga kumakalat na isyu ng bentahan ng Divisoria Public Market sa lungsod.

Giit ni Ramel, walang iba na may kagagawan sa pag-iingay ng isyu ay ang mismong tagasuporta ni Marcos.

“I challenge everyone here to do your own social media scanning, punta kayo sa YouTube. ‘Yung mga bumabanat at nagpapakalat at nagpo-propagate ng black propaganda against Mayor Isko, about Divisoria are the Marcos vloggers, are the Marcos supporters. They are muddling the issue using this Divisoria,” ayon kay Ramel.

Daan-daan sa mga vendors ng Divisoria Public Market ang nangangamba at humihingi ng tulong hinggil sa pagbebenta ng Manila City government ng naturang palengke.

Karamihan kasi sa mga manininda doon ay ilang dekada nang nagtitinda na minana pa nila sa kanilang mga magulang.

Napag-alaman na nabenta ang Divisoria Market sa halagang P1.446 bilyon sa Festina Holding Inc.

Giit din ng mga vendors, hindi sila nasabihan bago ang nangyaring bentahan.

Paliwanag naman ni Manila City Councilor Atty. Princess Abante, bago nangyari ang naturang bentahan, ipinaalam muna ito  sa publiko.

Nagkaroon aniya ng public bidding ngayong taon at nagsimula ang proseso noong taong 2020.

Sa kabila nito, tiniyak din ni Councilor Abante na dumaan sa tamang proseso sa pagbebenta ng naturang property.

“Again, all of these subject properties, underwent all required processes. Kumpleto ang mga dokumento and again, lahat ito ay para i-address ‘yung pangangailangan din ng city government ng Manila noong panahon ng pandemya,” pahayag ni Abante.

Sa kabila nito, tiniyak pa rin naman ng Manila LGU na mananatili pa rin ang mga manininda sa Divisoria Public Market.

“As of now parang may plano talaga na magkaroon din sila ng market doon sa area. From what I understand may application na din for franchise kaya ang gusto din ng City of Manila kung mabibigyan sila ng franchise, we need to prioritize and make sure that the existing vendors will not be displaced,” ani Abante.

Bukod sa Divisoria Public Market, meron din palang ibang property ang pamahalaang lungsod na ibinenta simula nang umupo sa pagka alkalde si Domagoso.

Pero giit naman ni Ramel, hindi lang naman ang Manila LGU ang nagbebenta ng property kundi kahit ang ibang mga local government unit sa bansa.

“It is not out of ordinary that an LGU sells its properties. Pumunta po kayo kahit saang syudad, nagbebenta po sila ng kanilang mga properties…natutulog na properties or wala nang pakinabang, they sell it. Hindi na po ito unique sa Manila,” ani Ramel.

Walang nabanggit ang Manila LGU kung ilang property na pag-aari ng pamahalaan ng lungsod ang naibenta na simula nang maluklok sa puwesto si Mayor Isko.

Ang pondong nalikom sa pagbebenta ng nasabing lote ay pinangtustos sa mga gastusin upang maitawid ang bawat pamilyang Manilenyo sa hagupit na dulot ng pandemya.

Follow SMNI News on Twitter