HINDI totoo na may pagbabawal ang Philippine National Police (PNP) headquarters sa lahat ng retired general na pumasok sa Kampo Krame.
Pinabulaanan mismo ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. ang nasabing usapin matapos na mabatid ang isyu ukol dito.
Ani General Acorda, wala itong katotohanan at hindi niya alam kung saan nanggaling ang naturang impormasyon.
Binigyang-diin ng PNP chief na welcome ang lahat ng mga nagsilbing heneral ng pambansang pulisya na pumasok sa Camp Crame partikular na sa mga nagpoproseso ng kanilang mga dokumento o mga kinakailangan nitong benepisyo.
Sa huli, muling iginiit ng heneral na walang namumuong destabilisasyon sa kanilang hanay laban sa pamahalaang Marcos na una nang pumutok kung saan nadawit din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na parehong pinabulaanan ang isyu.
PNP, bukas sa pamumuna ng publiko, pero humirit na kilalanin din ang kanilang kontribusyon sa bansa—PNP chief
Sa kabilang banda, bagamat naniniwala ang PNP na hindi sila ligtas sa kritisismo ng publiko pero anila huwag ding ipagkait ang magaganda nilang kontribusyon sa komunidad sa halip puro paninira ang kanilang tinatanggap dahil sa mga malisyosong impormasyon o pagbabalita.
Nito lamang buwan nang hirangin ang Pilipinas bilang pangatlo na ‘safest country’ sa Southeast Asia na pinangunahan ng Indonesia at Vietnam.
Ayon sa PNP, maituturing na tagumpay ang kanilang kampanya kontra kriminalidad dahil na rin sa tinatamasang kaayusan sa iba’t ibang komunidad sa bansa.