NANINIWALA si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na bahagi ng rightsizing efforts ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang desisyon na ibalik ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Ito ay isang lohikal at makatwirang desisyon. At ito’y naaayon din sa batas, RA 7796, na nagtatag sa TESDA at nagtalaga rin sa kalihim ng labor and employment bilang chairperson of the board ng TESDA,” sabi ni Estrada.
Nakasaad sa RA 7796 na ang TESDA board ang pangunahing responsable sa pagbabalangkas, pagpapatuloy, pag-uugnay at pagsasama-sama ng teknikal na edukasyon pati na ang paglalatag ng mga patakaran sa pagpapaunlad ng kasanayan, mga plano, programa at paglalaan ng resources batay sa rekomendasyon ng kalihim ng DOLE.
Nabanggit ang mga probisyong ito sa Executive Order No. 5 na inilabas ni Pangulong Marcos noong Setyembre 16.
Iniutos ng EO No. 5 ang pagbalik ng TESDA bilang attached agency ng DOLE para isakatuparan ang pag-iisa ng mga functional structures ng mga ahensya ng gobyerno na may magkakaugnay na mandato at para isulong ang koordinasyon, kahusayan, at pagsasaayos ng burukrasya.
“Habang ang DOLE ay ang policy-coordinating arm para sa pagsusulong ng kapaki-pakinabang na mga oportunidad sa trabaho, proteksyon ng mga manggagawa at pagtataguyod ng kanilang kapakanan, ang TESDA naman ay tungkuling pangasiwaan ang teknikal na edukasyon at pagpapahusay ng kasanayan,” pagdidiin ni Estrada.
Ipinunto ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na ang hakbang na ito ay nakaayon sa reform mechanism na binanggit ng Pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
“Mas makatitiyak tayo na mapapahusay ang institutional capacity ng mga ahensya ng gobyerno kung magagampanan nila ang kanilang mga mandato at makasisiguro tayo ng mas maayos at mainam na serbisyo,” aniya.