Pagbili ng 6-M plastic cards para sa driver’s license, gagawing agency-to-agency arrangements—LTO

Pagbili ng 6-M plastic cards para sa driver’s license, gagawing agency-to-agency arrangements—LTO

HINIHINTAY na lamang ng Land Transportation Office (LTO) ang pinal na desisyon ng Department of Transportation (DOTr) para sa gagawing ‘agency-to-agency arrangements’ para sa pagbili ng 6 na milyong plastic cards para sa driver’s license.

Ayon sa LTO, ito na ang pinakamabilis na paraan para matugunan ang milyun-milyong backlog sa lisensiya.

Tila nabunutan ng tinik si Kuya Regie Sarao nang makuha na niya hapon ng Huwebes ang driver’s license card matapos ang tatlong buwang paghihintay.

Isang linggo na kasing naantala ang pagpunta nito sa ibang bansa para magtrabaho bilang drayber dahil sa hindi makumpleto ang kinakailangang requirements.

“Problema po talaga kasi hindi po ako makakuha ng stamp, hindi ako mabigyan ng plane ticket dahil wala po akong license,” ayon kay Regie Sarao, kumuha ng driver’s license.

“Sobra po akong nangangamba dahil papel lang po ang hawak ko,” dagdag nito.

Mula Caloocan, sinubukan nitong kumuha ng license card sa LTO Meycauyan, Bulacan Office ngunit bigo itong makakuha.

Sa huli, tumungo na ito sa LTO Central Office sa Quezon City sa pag-asang makakuha ng license card.

“Napaka-suwerte ko po ngayong araw na ito na may mga taong tumulong sa akin na hindi ko na kailangan lumapit sa may fixer,” ayon pa kay Sarao.

“Ito na lang po ang hinihintay ng embassy para mabigyan ako ng ticket,” aniya.

Aminado ang LTO na maraming LTO district offices sa bansa ang hindi na nag-iisyu ng license card.

Sa ngayon, nasa 270,000 plastic cards para sa driver’s license ang suplay na hawak ng LTO na nakakalat sa iba’t ibang distrito.

Ang naturang bilang ay inaasahang tatagal na lamang sa loob ng dalawang linggo o sa katapusan ng Enero.

Kung kaya’t, ilan sa nakikitang solusyon ng LTO ay ang posibleng government-to-government procurement.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, tapos na itong nakipag-ugnayan sa ilang government printing offices tulad ng APO Production Unit Inc., National Printing Office, at Bangko Sentral ng Pilipinas.

Humingi na rin ng formal quotation para sa inisyal na 6 na milyong license cards.

Naisumite na aniya ito sa Transportation Department na siyang magsasapinal ng ‘agency-to-agency arrangement’ sa pamamagitan ng memorandum of agreement.

“Our historical consumption around 550 thousand a month so 6M ‘yan halos buong taon sapat na yun, 5.6M kulang na lang tayo ng mga 600 thousand cards for our historical consumption,” saad ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

“What’s important kasi sa government, it is not just we are giving and to deliver the service but the matter of delivering kailangan transparent ‘yan para walang agam-agam, baka sabihin ng tao baka mayroong back door deals diyan,” dagdag ni Mendoza.

Nakatengga pa rin kasi ang nasa 4 milyong plastic cards na donasyon ng isang pribadong sector dahil wala pang inilalabas na desisyon ang Office of the Solicitor General kung dapat bang tanggapin ng ahensiya.

Iba pa rito ang nasa higit 3 milyong plastic cards na hindi magamit-gamit dahil nahinto ang delivery dahil sa temporary restraining order (TRO) nito sa Court of Appeals.

Nasa walong milyon naman ang inaasahang demand ng LTO sa lisensiya ngayong 2024 kabilang ang 2.6 milyong backlog.

Sa kabila nito, target ng LTO na ibaba sa mga barangay ang mga serbisyo sa pamamagitan ng ‘LTO on Wheels’.

“We are looking at to expanding this para mga tao ay hindi na pupunta, doon na lang pupunta para mawalan na rin tayo ng mga fixer,” ani Mendoza.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble