MATAGUMPAY ayon kay Senador Win Gatchalian ang pagbubukas ng klase pero paalala ng senador na dahil sa face-to-face na ang mga klase ay kailangan pa rin na maging maingat laban sa COVID-19.
“Matapos ang mahigit dalawang taon ng pagpapatupad ng distance learning, sa wakas ay nakabalik na ang ating mga mag-aaral sa full face-to-face classes. Hindi magiging posible ito kung hindi dahil sa ating mga guro, school heads, mga superintendent, at pati na kooperasyon ng mga magulang,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.
Ang pagbabalik sa face to face classes aniya ay mahalaga para sa muling pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
Suportado rin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education ang boluntaryong pagsusuot ng face mask.
Ayon sa senador, isang hakbang ito para sa pagbabalik-normal ng mga paaralan matapos ang mahigit 2 taon nang pagpapatupad ng distance learning.
Bukod dito mahalaga aniyang ipatupad ang mga mitigation measures tulad ng pagtiyak ng maayos na ventilation, pagkakaroon ng handwashing area, at pagsulong ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Matatandaang pinayagan na sa ilalim ng Executive Order No. 7 ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa parehong loob at labas ng mga establisyemento maliban na lamang sa mga healthcare facilities, medical transport vehicles, at pampublikong transportasyon sa lupa, ere, o dagat.
Pero malinaw rin sa EO na dapat patuloy pa rin ang pagpapatupad ng minimum public health standards upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad ng learning recovery tulad ng tutorial sessions at mga remediation plans upang matugunan ang learning loss na dulot ng kawalan ng face-to-face classes.