Pagbuwag sa One Stop Shop Center ng DOF, ipinag-utos ni PBBM

Pagbuwag sa One Stop Shop Center ng DOF, ipinag-utos ni PBBM

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagbuwag sa One-Stop-Shop Inter-Agency Tax Credit at Duty Drawback Center (OSS Center) ng Department of Finance (DOF).

Ito ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, alinsunod aniya ito sa nilalayon ng administrasyong Marcos na rightsizing policy.

Nitong Pebrero 20, 2023, pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Administrative Order No. 4 at inilabas nitong Miyerkules.

Sa ilalim ng naturang kautusan, ililipat sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang mga tungkulin ng OSS Center sa pagproseso at pag-iisyu ng tax clearance certificates (TCCs) at duty drawbacks.

Nakasaad din sa AO No. 4 na ang lahat ng iba pang assets at liabilities ng One-Stop-Shop Center ay dapat ilipat sa DOF alinsunod sa mga nauugnay na batas sa pag-audit, mga tuntunin at regulasyon.

Ito’y maliban lang sa lahat ng cash na hiwalay na hawak sa trust o kung hindi man ng OSS Center, na dapat direktang ipadala sa National Treasury.

Ibinahagi pa ni Garafil na si DOF Secretary Benjamin Diokno ang nagrekomenda kay Pangulong Marcos na alisin ang OSS Center sa dalawang pangunahing dahilan.

Sinabi ni Diokno na unang dahilan dito ay:  ilang opisyal at empleyado ng OSS Center ang napag-alamang gumawa ng serye ng ilang mga tax credit scam kung saan bilyun-bilyong piso ang involve dito sa mga nakaraang taon.

Ikalawa, ani Diokno, ang pagtanggal at paglilipat ng mga tungkulin nito sa ilalim ng BIR at BOC ay naaayon sa pagsusulong ng administrasyong Marcos tungo sa isang right size government.

Ito ay mag-streamline ng revenue operations at mababawasan ang administrative expenses.

Ipinunto rin ni Diokno na ang OSS Center ay hindi nagpoproseso at nag-isyu ng anumang tax credit certificate mula noong 2016.

Giit ng kalihim, hindi praktikal para sa gobyerno na magbigay ng badyet nito bawat taon dahil hindi na ito gumaganap ng mga tungkulin.

Gayunpaman, nakasaad naman sa AO No. 4 na ang mga tauhan ng OSS Center na maaapektuhan ng paglilipat ay makatatanggap ng separation benefits, maliban kung itinalaga sila sa ibang mga posisyon sa gobyerno.

Ang OSS Center, na nasa ilalim ng DOF, ay nilikha sa ilalim ng Administrative Order No. 266 para sa maayos at mabilis na pagproseso ng mga tax credit at duty drawbacks sa ilalim ng iba’t ibang batas.

Samantala, sa loob ng 90 working days pagkatapos ng bisa ng naturang Administrative Order, ang kalihim ng DOF ay ganap na magpapatupad ng abolisyon, kabilang ang disposisyon at paglipat ng mga tungkulin, tauhan at mga ari-arian ng OSS Center kung kinakailangan.

Follow SMNI NEWS in Twitter