MAYROONG payo si Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Imposible na ngang maabot ang P20 kada kilo ng bigas na pangako ni PBBM.
Ito mismo ang pananaw ni dating Pangulong Duterte matapos tanungin ng isang vlogger sa ginanap na Q&A kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy nitong Linggo.
“Ako naawa ko kay Presidente Marcos. Naawa talaga ko sa kanya. There is no way na maibalik niya ‘yung presyo,” pahayag ni Rodrigo Roa Duterte, Former President of the Philippines.
Pero may mungkahi ang dating pangulo na dapat gawin ni PBBM upang tugunan ang patuloy na pagsirit sa presyo ng bigas.
“Manghingi si Presidente ng emergency powers not martial law. Ipilit niya. Hindi man mag-abot. Imposibleng mag-abot ng P20 ‘yan. But he can control the rise,” saad ni FPRRD.
“Gamitin na niya ang pera kung saan niya makuha. Kunin niya ‘yung ibang appropriations, ibili niya ng bigas, ipakain niya sa tao. Una talaga ang tiyan,” aniya.
Sa ilalim kasi ng Saligang Batas, maaaring magbigay ng kapangyarihan ang Kongreso sa pangulo upang tugunan ang isang national emergency.
Samantala, Setyembre noong nakaraang taon, isang mambabatas ang naghain ng isang panukala kaugnay rito, ang House Bill 9030 o ang Philippine Rice Emergency Response Act. Ngunit sa ngayon, wala pa rin itong usad upang maging batas.
Pakiusap naman ni Duterte na dapat unawain ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga naghihirap ng mga Pilipino.
“’Yung tao gutom na magulo but to control the situation. Ang pulis at military must deal with it with caution with the problem. Kasi ito, you must understand, you have to have the psychological setup of the minds of the people. What’s prompting them to behave in such a way ganoon; nag-aamok na para kasing, pagka gutom na kasi ang tao, it’s not because na gusto nila magnakaw, pumatay, mang-holdap,” diin ni FPRRD.
Kaya naman bago pa dumating sa kaguluhan, dalangin daw ni Duterte para kay Bongbong Marcos:
“Gusto ko, nagdadasal ako, sabihin ko kay Pastor, sabay tayo Pastor lahat pagdasal natin na si Marcos ng magandang isip how to serve this country and even to declare state of emergency to deal with his problem of pagkain,” aniya.
FPRRD to Marcos: I support you basta huwag mo lang abusuhin ang tao
Muli namang sinabi ni Duterte na suportado niya si Bongbong Marcos pero huwag niyang abusuhin ang tao lalo na’t naghihirap ang mga ito.
“I am with you. I support you, Mr. President. Basta huwag mo lang abusuhin ‘yung tao. Understand the problem and solve it. Do not blame the people because it is not within their power to plant and produce rice. Wala namang lupa. Wala namang pera ‘yung mga tao. Kaya kaunting pasensya lang.” “Kayong mga military, kaunting pasensya lang pati mga pulis. ‘Yung mga rally, rally, basta huwag lang masyadong, you know gutom ang tao, especially when you’re dealing with hunger of the people, give it the most, utmost understanding that your brain can muster,” ayon pa kay FPRRD.
Matatandaang naitala ng bansa ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bigas sa loob ng 14 na taon sa kabila ng price caps na ipinatupad ng gobyerno noong September 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
At sa huling datos ng PSA, naitala ang pinakamataas na inflation rate sa bigas sa bansa mula Pebrero 2009. At ito rin umano ang nagtulak sa pagtaas ng inflation ngayon.