Paggamit ng sidewalk ng mga negosyante, pinapaparusahan

Paggamit ng sidewalk ng mga negosyante, pinapaparusahan

GUMAGALAW na ngayon ang Kamara para bumalangkas ng panukalang batas na magre-regulate sa paggamit ng sidewalk ng mga negosyante.

Katunayan, isang technical working group (TWG) ang binuo ng House Committee on Local Government para balangkasin ang panukala at parusahan ang mga negosyante na ginagamit ang sidewalk sa ibang paraan.

Saad naman ni Valenzuela Representative Rex Gatchalian, Chairman ng Committee on Local Government na pag-iisahin ng TWG ang mga panukala para sa unobstructed sidewalks nang sa ganun ay maging komprehensibo ang bill.

Layon naman ng komite na bumuo ng mga patakaran para ipagbawal ang paggamit sa sidewalk at iba pang public spaces sa pagtitinda.

Ipinagbabawal din na gawing tambakan ng basura ang mga pampublikong lugar at tayuan ng mga imprastraktura na haharang sa daanan ng tao.

Naatasan naman si Oriental Mindoro Representative Arnan Panaligan ang mamumuno sa TWG.

Samantala, kamakailan lang ay inihain ang House Bill No. 1252 o Unobstructed Sidewalks Act ni Pangasinan 5th District Representative Ramon Guico, Jr.

Layunin ng panukala na patawan ang lahat na gagamit ng sidewalk para sa commercial o kaya’y pang-personal na kadahilanan.

Ani Guico, layunin ng panukala ang maging smooth at ligtas ang pagdaan ng mga tao sa sidewalks lalong-lalo na ang mga naka-wheelchair, stroller at iba pa.

Nakakatulong din ito para mawala ang mga sagabal sa daan na siyang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng trapik.

Maliban sa sidewalk, saklaw rin nito ang pagbabawal sa commercial at personal use ng mga alley, tulay, parke at avenue.

Maaaring magamit ang mga ito sa mga community-wide occasions o promotion days basta’t humingi ng pahintulot sa lokal na pamahalaan.

Sakaling maisabatas ito, pagmumultahin ang sinumang lalabag ng hindi bababa sa P10K subalit hindi rin lalagpas sa P30K.

Maaari ding makulong ng hindi bababa sa anim na buwan subalit hindi lalagpas ng isang taon.

Ang mga lokal na opisyal naman na pabaya ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P100K ngunit hindi lalagpas sa P500K.

Follow SMNI NEWS in Twitter