Paggamot ng tuberculosis, paiikliin sa 4 buwan mula 6-9 buwan—DOH

Paggamot ng tuberculosis, paiikliin sa 4 buwan mula 6-9 buwan—DOH

PAIIKLIIN na ang paggamot ng tuberculosis (TB) sa apat na buwan lamang, sa halip na anim hanggang siyam na buwan.

Ito ang inihayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa press briefing sa Malacañang nitong Martes.

Ayon kay Herbosa, ang hakbang ay isa sa kanilang bagong anti-TB thrust para sa susunod na tatlong buwan upang hikayatin ang mga pasyente na huwag talikuran ang therapy.

“So the newest thing that we’ve actually going to implement for the next three months, for the next quarter, will be the shortening of the course to four months TB therapy with several drugs which used to be six to nine months, so it’s shortened for the regular TB, and then six months for those that are multiple drug-resistant,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sisikapin din ng Department of Health (DOH) na magpatupad ng video-assisted directly observed therapy short course (DOTS) kaya hindi na kailangang pumunta ang mga pasyente sa health center araw-araw sa loob ng maraming buwan.

Tiniyak naman ng kalihim sa publiko na may sapat na suplay ng mga gamot sa TB sa bansa at tinutugunan ng Kagawaran ang anumang pagkaantala sa deliveries ma dulot ng ilang logistical glitches.

Mayroong humigit-kumulang isang milyong Pilipino ang nahawaan ng TB, ani Herbosa, na medyo malaking bilang para sa populasyon ng bansa.

Kaya naman, pinaiigting ng DOH ang paglaban sa tuberculosis at magpapasimula ng mga bagong estratehiya para labanan ang sakit.

Kasunod na rin ito ng direktiba ni Pangulong Marcos.

Sinabi ni Herbosa na nagkaroon ng pagtaas ng mga kaso ng TB sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“The Philippines continues to be one of the top countries with the high burden of tuberculosis, and we’re like number 4 rank in the world. We were already down to number 9 but we actually increased again,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Groundbreaking ng Multi-Specialty Hospital sa Clark, Pampanga, isasagawa sa Hulyo 17

Samantala, inanunsiyo rin ng DOH chief ang groundbreaking ng Clark Multi-Specialty Center sa Pampanga sa Hulyo 17.

Layunin ng bagong medical specialty center na magbigay ng heart, kidney, at cancer treatment sa Central at Northern Luzon.

Sinabi ni Herbosa na ang proyekto ay magkakaroon ng parehong mga plano sa mga pampublikong espesyalidad na ospital sa Quezon City.

Kapag natapos na ang proyekto, ang mga pasyente sa Central at Northern Luzon ay hindi na kailangang maglakbay sa Metro Manila para kumuha ng mga espesyal na serbisyong medikal.

Binanggit ng kalihim bilang halimbawa ang Northern Mindanao Medical Center (NMMC) Heart, Lung, and Kidney Center, at Southern Philippines Medical Center ng Davao City na naglalaman din ng specialty services.

Isasagawa ang mga proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).

Ang ospital ay itatayo sa ilalim ng Executive Order No. 19, na inilabas ni Pangulong Marcos na nag-aatas sa pagtatatag ng Philippine Heart Center sa Clark Freeport Zone.

“This was the original one designated in Executive Order # 19 as the Heart Center that will be built in Clark. We have the land already from the CDC, from the Clark Development Corporation; and then we have the plans already, the design. It will be starting as a general hospital and then move up to a children specialty, and then a cardiac specialty, then the kidney specialty,” ayon pa sa Pangulo.

Pag-aalis ng COVID public health emergency, formal order na lang ni PBBM ang hinihintay—Sec. Herbosa

Samantala, suportado ni Pangulong Marcos ang pag-aalis ng COVID-19 State of Public Health Emergency, ayon kay Secretary Herbosa.

Aniya, isang pormal na utos na lamang mula kay Pangulong Marcos ang kailangan upang alisin ang naturang deklarasyon.

Saad ng kalihim, naghihintay na lang sila na lagdaan ng Inter-Agency Task Force (IATF) resolution para tuluyan nang maging pormal ang pag-aalis sa COVID-19 public health emergency.

Matatandaang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang state of public health emergency sa panahon ng pagsisimula ng pandemya noong Marso 2020.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter