Paggunita ng ika-125 anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas, pinangunahan ni PBBM

Paggunita ng ika-125 anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas, pinangunahan ni PBBM

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang paggunita ng ika-125 anibersaryo ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.

Ginanap ang event sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan nitong Martes Enero 23, 2024.

Kasama ni Pangulong Marcos sa okasyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at iba pang mambabatas, executive branch officials, at local government officials.

Ang Unang Republika ng Pilipinas, ay itinatag matapos ang ratipikasyon ng Saligang Batas ng 1899.

Kinikilala ito bilang pinakauna sa “Constitutional Republics” sa Asya at nagsilbing inspirasyon para sa ibang mga sumunod na bansa.

Pinalitan ng Republika ang Revolutionary Government na nilikha sa pamamagitan ng mga decree ni President Emilio Aguinaldo noong Hunyo 18 at 23, 1898 pagkatapos ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Spanish Empire noong Hunyo 12, 1898.

Nagtagal ito mula Enero 1899 hanggang Marso 1901 nang madakip ng mga hukbong Amerikano si Pangulong Aguinaldo sa kabundukan ng Palanan, Isabela.

Ang naturang milestone ay bahagi ng 125th Anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023-2026 kung saan ginugunita at sinasariwa ang mga pangyayari tungo sa paglaya ng Pilipinas.

Nauna nang hinimok ni Pangulong Marcos ang buong bansa na makiisa sa programang ito sa pamamagitan ng Administrative Order No. 8, s. 2023 kung saan ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang nagsisilbing tagapangulo ng National Steering Committee.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter