Pagiging isa sa ‘Worst Countries for Workers’ ng Pilipinas, hindi makatwiran— DOLE

Pagiging isa sa ‘Worst Countries for Workers’ ng Pilipinas, hindi makatwiran— DOLE

INALMAHAN ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang inilabas na survey ng ilang labor groups na ang Pilipinas umano ay kabilang sa pinakamalalang mga bansa para sa mga manggagawa.

Ang masaklap pa diyan, walong magkakasunod na taon na umanong pasok ang Pilipinas sa nasabing listahan.

Aminado ang kalihim na ang lumabas na survey ay hindi lamang nakapipinsala sa reputasyon ng mga manggagawa kundi maging sa reputasyon ng Pilipinas at hindi rin aniya ito makatwiran.

Nitong nakalipas na linggo, naglabas ng pahayag ang International Trade Union Confederation (ITUC) sa pamamagitan ng mga kaanib nito na mga labor group sa Pilipinas.

Sa paglunsad ng 2024 Global Rights Index ng ITUC sa Geneva na ang Pilipinas ay nakatanggap ng rating 5, bilang Worst Countries for Workers. Ibig sabihin, walang garantiya para sa karapatan ng mga manggagawa sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter