NANINIWALA si Senator Francis Tolentino na kung may mataas na singil sa pagrehistro o pagkakaroon higit sa tatlong SIM ay mababawasan ang scammers.
Matapos inilahad ng NBI na sinasamantala ng mga kriminal ang talamak na bentahan ng SIM kung saan nakaipon ang mga ito ng libu-libong SIM na kalaunan ay ginagamit sa iba’t ibang scam ay nais ni Sen. Tolentino na dapat ay may bayad na ang pagrehistro ng pang-apat na SIM pataas.
Paliwanag ni Tolentino na kung may bayad na at mahal ang pagpaparehistro ng pang-apat na SIM at ang mga posibleng kasunod pa nito ay makakatulong ito sa pagpigil sa ginagawang panloloko ng scammers.
Ipinunto ni Sen. Tol na kung mahal ang pagrehistro ng pang-apat na SIM pataas ay mawawala ang scammers.
“Ang purpose po ay parang sa mga homeowners associations, ‘yung mungkahi po, sa mga subdivisions, ‘pag ikaw ay merong dalawang kotse, ang pangatlong koste mo, mas mataas na ‘yung bayad mo sa sticker. Ganun din po sa mga pumapasok sa eskwelahan na may parking, kapag pangatlong kotse mo na, mas mataas na ‘yung presyo ng sticker,” saad ni Sen. Francis Tolentino.
Para sa senador, ang kaniyang mungkahi ay makatutulong para sa ating mga kababayan na may isa o dalawang cellphones lamang.
Matatandaan din na sa Pilipinas tatatlo lamang ang telecom company na hawak ang mayorya ng mga SIM.
“Lalong-lalo na po ‘yung mga may balak na gumawa ng krimen, ‘yung mga scammer na bumibili ng singkwentang SIM cards, isangdaang SIM cards, nang sa gayon ay tumaas na ang presyo ng SIM cards na iyan, at wala na kayong malolokong mga Pilipino,” Sen. Francis Tolentino.
Bukod sa suhestiyon ni Sen. Tolentino ay una nang iminungkahi ni Sen. Win Gatchalian na dapat magkaroon ng post validation sa detalye ng mga nagparehistro ng SIM.