Pagkatalaga kay Arnell Ignacio bilang bagong OWWA administrator, kinumpirma ng Malakanyang

Pagkatalaga kay Arnell Ignacio bilang bagong OWWA administrator, kinumpirma ng Malakanyang

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Arnell Ignacio bilang bagong executive director administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Kinumpirma ito ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles.

Ibinahagi ni Cruz-Angeles na sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan ‘Toots’ Ople na nagtrabaho si Ignacio sa OWWA noong 2018 kung saan isang taon siyang nagsilbi bilang deputy administrator bago nilisan ang posisyon dahil sa personal na rason.

Naitalagang muli si Ignacio sa kaparehong posisyon noong Setyembre ng nakaraang taon.

Ngayon, uupong bagong administrator ng OWWA si Ignacio kapalit ni Hans Leo Cacdac.

Nagpaabot naman ng pagbati ang Office of the Press Secretary (OPS) sa appointment ni Ignacio bilang bagong pinuno ng OWWA.

Saad ni Cruz-Angeles, maganda naman ang naging performance ni Ignacio sa OWWA bilang deputy administrator na nagsimula noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa ilalim din ng administrasyong Duterte, si Ignacio ay naging Assistant Vice President for Community Relation and Services Department ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Samantala, inihayag ng Press secretary na itatalaga si Cacdac bilang undersecretary ng DMW sa welfare and foreign employment.

Habang si POEA Administrator Bernard Olalia naman ay ilalagay bilang undersecretary for licensing and adjudication ng DMW.

Kasabay nito, magsisilbi ring OIC si Olalia ng POEA hanggang sa panahong ang departamento ay itinuring ‘fully constituted’ sa approval ng 2023 budget.

Idinagdag pa ni Cruz-Angeles na isang dating OFW ng 29 taon na si Venecio Legaspi na nagtrabaho noon sa Jeddah, Saudi Arabia, ang itinalagang bagong assistant secretary for reintegration.

 

 

Follow SMNI News on Twitter