Panibagong SRP sa school supplies, inaasahang ilalabas sa susunod na linggo

Panibagong SRP sa school supplies, inaasahang ilalabas sa susunod na linggo

NGAYONG nalalapit na ang pasukan, maglalabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng bagong Suggested Retail Price (SRP) para sa school supplies.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na maaaring sa susunod na linggo ilalabas ang bagong SRP para sa school supplies.

Sa Agosto 22, nakatakdang ipatupad ang face-to-face classes para sa School Year 2022-2023 kaya marami na rin ang namimili ng mga kagamitang pang-eskwela.

Idinagdag pa ni Castelo na kada taon naman talagang nag-iisyu ang DTI ng SRP maliban na lamang noong 2020 at 2021.

Tiniyak ni Castelo na ngayong taon, ilalabas ng DTI ang SRP para mayroong gabay ang publiko sa pagbili ng school supplies.

At upang malaman aniya ng mga konsyumer o ng mga namimili ng school supplies kung hanggang magkano lang dapat ang bilhin nila doon sa mga produktong ito.

“Ilalabas natin ito, hopefully, matapos itong linggo o hanggang early next week. Makikita po natin dito iyong price range kasi ang produkto, especially itong school supplies ay nag-iiba-iba po siya ng kalidad, depende po ng volume. Halimbawa ang notebook, kung ilang number of pages siya or ilang leaves; and then iyong make, kasama rin po. Kasi halimbawa ang ruler, iba-ibang make iyan – may kahoy, may bakal, mayroong plastics. So depende po doon sa mga sinabi natin – quality, volume at make ng produkto, so naka-price range po,” pahayag ni Castelo.

Bukod dito, inilahad din ng opisyal na nakadepende rin ang presyo kung saan bibilhin o kung sa mga tindahan kagaya ng Divisoria o kung sa bookstore sa loob ng mall.

Ipinaliwanag ng DTI na iba-iba talaga ang presyo ng school supplies kaya naka-range ang price guide ng ahensiya.

Kaugnay pa rin ng nakatakdang face-to-face classes, sinang-ayunan ng medical community ang target ng Department of Education (DepEd) na isang daang porsiyentong implementasyon nito.

Base ito sa pahayag ni Dr. Benito Atienza, Vice President III ng Philippine Federation of Professional Associations (PFDA) at ang immediate past president ng Philippine Medical Association (PMA) sa ginanap na kaparehong public briefing.

Gayunpaman, patuloy na pinag-iingat ni Atienza ang lahat lalo na ang mga bata sa kanilang pagbabalik eskwela.

Dapat aniyang maging handa ang mga eskuwelahan at mga magulang sa pagpasok ng mga bata.

Binigyang-diin ng doktor na mahalaga pa rin ang pagsunod sa minimum health protocols.

Ito’y lalo’t may umuusbong pang bagong COVID-19 subvariants at may banta pa ng sakit na monkeypox.

 “Kaya nga po ang medical community po at ang Philippine Federation of… Association po ng mga professionals ay sumasang-ayon po sa pagbubukas ng klase. Iyong magsuot ng mask sa mga bata, maghugas ng kamay, nandiyan iyong social distancing. At kahit ano naman pong sakit ay dapat po ay alagaan natin ang ating mga sarili lalo na iyong mga bata,” ani Atienza.

Kaugnay nito, hinihiling ni Atienza na magpabakuna na lalo na ang mga 5-12 taong gulang.

Sa katunayan, nag-o-offer ang mga health center sa mga paaralan na magsagawa ng bakunahan.

“In fact, po ang aming mga professionals, doctors, midwives ay nakikipag-ugnayan sa ating mga eskuwelahan na magkakaroon ng bakunahan, malawak na bakunahan para sa mga estudyante para protektado sila bago pumasok po,” ani Atienza.

At ngayon, sinabi ni Dr. Atienza na ang iba’t ibang organisasyon at asosasyon ng mga eskwelahan, mga PTA ang nakikipag-coordinate na sa mga doktor at saka sa mga ospital para makapagbakuna.

 

Follow SMNI News on Twitter