Pagkumpleto ng IRR ng New Agrarian Emancipation Act, ‘best birthday gift’ na natanggap ni PBBM

Pagkumpleto ng IRR ng New Agrarian Emancipation Act, ‘best birthday gift’ na natanggap ni PBBM

MAY mensahe si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa kaniyang 66th birthday ngayong araw, Setyembre 13.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na pinakamagandang regalo na natanggap niya sa kaniyang ika-66 na kaarawan ang pagkumpleto ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA).

Inihayag ito ni Pangulong Marcos, isang araw bago ang kaarawan nito kung saan iprinisenta ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang IRR ng NAEA o Republic Act No. 11953.

“At ako’y nagpapasalamat sa inyong lahat, sa lahat ng kasama natin upang mabuo natin ang IRR ng New Emancipation Law. On a personal note, nagpapasalamat ako— ito na yata ang pinakamagandang birthday gift na natanggap ko sa buong buhay ko,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kasabay ng presentasyon ng IRR ay nilagdaan din ng Pangulo ang executive order para sa extension ng moratorium sa pagbabayad ng utang ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Mas maunlad na agricultural sector para mapanatili ang kabuhayan ng Filipino farmers, ‘birthday wish’ ni PBBM

Kaugnay rito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), ang pagtitiyak sa kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka at pagdarasal na protektahan ang kanilang mga pananim at masaganang ani ay lagi niyang hiling.

Birthday wish ni Pangulong Marcos, mas mapabuti ang agriculture sector at magkaroon ng magandang panahon para sa ikakapakinabang ng mga Pilipinong magsasaka.

“Maging maayos na ang agrikultura at malaman na natin kung ano ba talaga ang weather. Wet season ba o dry season? Para naman matulungan natin ‘yung mga farmer natin. Iyon lamang naman ang aking panalangin pa rin hanggang ngayon,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Muling ipinagtibay ni Pangulong Marcos ang layunin ng kaniyang administrasyon na suportahan ang mga Pilipinong magsasaka at tugunan ang kanilang pangangailangan para sa mas masiglang lokal na produksiyon.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Pangulong Marcos sa Department of Agrarian Reform (DAR) at nanawagan muli sa whole-of-nation approach sa pagkamit ng matatag na sektor ng agrikultura sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble