INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P5-B para sa Special Development Fund (SDF) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang pagpapalabas ng pondo ay alinsunod sa Seksyon 2, Artikulo XIV ng Republic Act 11054, na magbibigay ang national government sa SDF ng P5-B taun-taon, sa loob ng 10 taon, sa BARMM government.
Ito ay para sa muling pagtatayo, rehabilitasyon, at pag-unlad ng conflict-affected communities ng BARMM.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, patuloy na aalalay ang ahensiya sa BARMM sa abot ng makakaya nito.
Tiniyak din ng kalihim na tutulong ang ahensiya sa smooth transition process at pagpapalakas ng mga komunidad sa rehiyon.
Umaasa naman ang DBM na magagamit nang wasto ang naturang pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad sa BARMM.
Ang pinakahuling gulo na sumiklab sa BARMM ay ang 5-month siege sa lugar mula Mayo 23 hanggang Oktubre 23, 2017, sa Marawi City — kabisera ng Lanao del Sur, na isa sa anim na lalawigan sa rehiyon.
Ang sagupaan ay nagresulta sa P17-B na pinsala sa ari-arian at pagkawala ng mga oportunidad, ayon sa Task Force Bangon Marawi, ang government inter-agency body na namamahala sa mga pagsisikap sa rehabilitasyon sa conflict zone.
Noong 2018, inihayag ng Task Force Bangon Marawi na sa inisyal na pagtatantya, hindi bababa sa P49.8 bilyon ang kailangan para maibalik ang mga apektadong bahagi ng Marawi.