Paglikha ng 5,000 DepEd non-teaching positions, inaprubahan ng DBM

Paglikha ng 5,000 DepEd non-teaching positions, inaprubahan ng DBM

INAPRUBAHAN na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 5,000 non-teaching positions sa iba’t ibang paaralan na pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa.

Ito’y upang makapagbigay ng sapat na manpower at masuportahan ang mga guro sa pagbibigay ng dekalidad na pagtuturo sa mga estudyante.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang 5,000 items ay binubuo ng 3,500 Administrative Officer (AO) II positions.

Layon nitong tanggalin sa mga guro ang administrative tasks na sumusuporta sa mga operasyon at 1,500 Project Development Officer (PDO) I positions na tutulong sa mga AO II at iba pang non-teachiing personnel.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad na pinangungunahan ng mga eskwelahan o mandato ng DepEd Central Office.

Makatatanggap ang mga nasa AO II at PDO I positions ng basic salary na nagkakahalaga ng Php27,000 (SG-11) base sa Fourth Tranche Monthly Salary Schedule for Civilian Personnel of the National Government.

Dagdag pa ni Pangandaman, malaking tulong ito sa mga guro na ma-unload sila sa mga administrative work at maka-focus sa pagtuturo sa mga estudyante.

Ide-deploy ang mga inaprubahang item sa mga Schools Division Office (SDOs) sa mga sumusunod na rehiyon: Cordillera Administrative Region (CAR), CARAGA, National Capital Region (NCR), Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, at XII.

Ang kakailanganing pondo naman para sa mga filled positions mula sa binuong position items ay huhugutin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng FY 2023 General Appropriations Act (GAA).

Ang Retirement and Life Insurance Premium naman ay magmumula sa Automatic Appropriations.

Magugunitang noong 2022 Presidential campaign, nabanggit ni Pangulong Marcos na may mga guro na gumagawa ng mga gampanin na hindi naaayon sa kanilang trabaho, na nagreresulta sa pagkapagod at burn-out at nakaaapekto sa kalidad ng pagtuturo ng mga ito.

Saad pa ng Pangulo, ang pagtanggal sa mga guro ng mga non-teaching load ay makatutulong upang manatiling mataas ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan at mapangalagaan ang kanilang mental health.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter