Paglikha ng Center for Disease Prevention and Control, isinusulong ni Gatchalian

Paglikha ng Center for Disease Prevention and Control, isinusulong ni Gatchalian

SA paggunita ng International Day of Epidemic Preparedness kahapon, Disyembre 28, itinutulak ni Senator Win Gatchalian ang paglikha ng Center for Disease Prevention and Control na siyang mangunguna sa pagresponde ng pamahalaan sa mga krisis pang-kalusugan kagaya ng pandemya ng COVID-19.

“Binigyang-diin ng pandemya ng COVID-19 ang panganib at ang pangangailangan para sa mas maigting na paghahanda, pagmamatyag, at pag-responde sa lokal, pambansa, at pandaigdigang mga antas laban sa mga susunod pang pandemya,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.

Sa Senate Bill No. 825 o ang Disease Prevention and Control Act na na inihain ni Gatchalian sa Senado ay kanyang sinabi na binigyang-diin ng pandemya ng COVID-19 ang panganib at ang pangangailangan para sa mas maigting na paghahanda, pagmamatyag, at pag-responde sa lokal, pambansa, at pandaigdigang mga antas laban sa mga susunod pang pandemya.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ang iba’t ibang tanggapan ng Department of Health (DOH), kabilang ang Disease Prevention and Control Bureau, Epidemiology Bureau, Health Emergency Management Bureau, Bureau of Quarantine, Health Promotion and Communication Service, ay mapapasailalim ng panukalang “Center.”

Ang naturang Center ang magiging pangunahing ahensya sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng communicable disease o nakakahawang sakit.

Magiging attached agency rin ng DOH ang naturang center.

Maliban sa pagpigil sa pagkalat ng mga nakahahawang mga sakit, magiging saklaw rin ng mga tungkulin ng Center ang pananaliksik, pagsulong sa mga programang pang-kalusugan, pagsasagawa ng mga clinical trials, at iba pa.

Susuriin din ng Center ang kakayahan ng mga local government units (LGUs) na pigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit.

Isinusulong din ni Gatchalian ang pagkakaroon ng National Health Strategy for Disease Prevention na tutugon sa mga hamon tulad ng medical capacity ng mga ospital, pagpapaigting ng impormasyon at teknolohiyang pang-kalusugan, at iba.

Magiging bahagi rin ng national health strategy ang institutionalized na Integrated Disease Surveillance and Response System kung saan magiging saklaw ang pagpapatatag ng kakayahan sa early detection ng mga pandemya at lokal na kapasidad sa surveillance at response, pati na rin ang epektibong paggamit ng datos ng surveillance.

Isinusulong din ng panukalang batas ang paglikha ng medical reserve corps na bubuuin ng mga volunteer health professionals na maaaring ipatawag sa panahon ng mga krisis pang-kalusugan.

Follow SMNI NEWS in Twitter