APAT na beses na ang itinaas ng halaga ngayon ng New Senate Building sa Taguig City mula sa orihinal nitong budget na nasa higit P8B lang.
Ayon kay Senate Committee on Accounts Chairperson Senator Alan Peter Cayetano, nagkakahalaga na ito ngayon ng P33B.
Ikinagulat ito ni senatorial aspirant Panfilo Lacson na aniya ay inirereklamo na rin aniya sa kaniya ni Senate President Chiz Escudero.
“He was already questioning it and sabi niya mahirap talagang tanggapin sa konsensya ito na ‘yung pinakamahal na building sa buong Pilipinas o sa buong Asya no,” saad ni Panfilo Lacson, tatakbong senador.
Sakali nga’t manalong senador, nais magkaroon ni Lacson ng pagpupulong upang himay-himayin at alamin ang mga dahilan kung bakit lumobo sa P33-B ang halaga ng Senate Building.
Payo naman ni Lacson kay Cayetano— dapat ay magkaroon ng mga palagiang konsultasyon sa mga senador para tugunan ang nasabing isyu.
“Gawin ‘yung masinsinang consultation sa mga senador pati sa agency na in charge sa construction which is DPWH,” dagdag ni Lacson.
Sa kabila naman ng kontrobersiya, ipinunto pa rin ni Lacson ang pangangailangan ng bagong building para sa mga senador.
“For 100 years or over 100 years, ang Senado laging umuupa. Ngayon umuupa kami sa GSIS. Ang aming parking space umuupa sa SSS at tsaka forced economy kung patuloy na umuupa, pagkatapos hindi naman magkakaroon ng sariling building,” ani Lacson.
Hindi pa tiyak kung kailan matatapos ang konstruksiyon ng New Senate Building pero ani Lacson target umano itong matapos sa 2026.
Matatandaan na nagkainitinan din sa isang pagdinig patungkol sa New Senate Building sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Nancy Binay.