POSIBLENG kakulangan sa impormasyon ng publiko ang dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng mga lumalabag sa ipinatutupad na gun ban ngayong election period.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang pagpapalakas ng information drive sa lahat ng komunidad tungkol sa gun ban.
Sakaling pahintulutan naman ang isang indibidwal na magbitbit ng baril, hinihikayat ang mga ito na dalhin ang kanilang mga dokumento para maiwasan ang paninita ng mga awtoridad.
“Inutusan ng ating chief PNP ang ating mga regional offices, regional directors na ipagpatuloy ‘yung pagpapaalala sa kani-kanilang lugar para doon sa mga babala sa mga taong na sinasabi na at pangalawa dalhin ‘yung mga dokumento nila kung saka-sakali pinahihintulutan sila ng COMELEC na magdala ng armas,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo.
Batay sa pinakahuling tala ng National Election Monitoring Action Center (NEMAC), nangunguna ang NCR sa may pinakamaraming naaresto sa paglabag sa gun ban na may 97 at sinundan naman ito ng Police Regional Office 3 na may 78 at pumangatlo naman ang Region 7 na may 36.
Sa kabilang banda, pumalo na sa lima ang naitalang insidente na may kinalaman sa eleksyon.
Ito ang kinumpirma ni pnp spokesperson PBGen. Jean Fajardo, sa panayam ng media sa Kampo Krame.
Subalit kailangan pa niya itong kumpirmahin mula sa lokal na mga awtoridad bagamat pare-parehong tumatakbo ngayong eleksyon ang mga taong diumanoy sangkot sa nasabing mga insidente.
Batay sa datos ng PNP, nakapagtala ang Region 6 ng 3 kaso ng Election Related Incidents (ERI), habang may tig-iisa naman sa Region 2 at Region 12.
“Meron tayong datos na nakuha na ERIs pero hindi pa ito confirmed. Ito ay nanggaling sa Region 2 mayroon tayong isa, mayroon tayo sa Region 6 na tatlo at Region 12 na isa kasi tumatakbo itong mga taong involved kaya sinasabi na suspected na ERIs,” saad ni Fajardo.
Sa huli, patuloy ang pakiusap ng mga pulis sa publiko katuwang ang COMELEC na makipagtulungan sa mga ipinatutupad na mga polisiya para maiwasan ang anumang komosyon na may kaugnay sa eleksyon.
“Sinususugan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ang hinihiling ng COMELEC na makipag cooperate ang ating mga kababayan sa pagsasagawa ng checkpoint ng ating PNP at hinihiling din na kung saka-sakaling sila ay binigyan ng kaukulang dokumento or papeles para magdala ng kanilang firearms ay dalhin nila ito at huwag nila kalimutan upang hindi sila masyadong ma-inconvenience during checkpoint,” ani PBGen. Jean Fajardo.