KINUMPIRMA ni Interior Secretary Jonvic Remulla na resulta ng kanilang “group effort” ang pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa poder ng International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam kay Remulla, sinabi nito na hindi lang siya ang nagplano kundi kasama sina National Security Adviser (NSA) Secretary Eduardo Año, Defense Secretary Gilberto Teodoro, at Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa katunayan, aniya, sa Hong Kong pa lang, kung saan dumalo si dating Pangulong Duterte sa inorganisang pagtitipon ng mga OFW para sa kaniya, mayroon nang direktang impormasyong natanggap ang gobyerno kaugnay sa galaw ng dating pangulo.
“It was a group effort. Sec. Teodoro was there, Sec. Año was there too, the President and I. Ako ang natira, last man standing, doon sa Malacañang. Kasi, Sec. Teodoro was working on his Office in Camp Aguinaldo, Sec. Año of course his specialty is intelligence, so, he was gathering all the information in his location, ako nasa Malacañang” ayon kay Sec. Jonvic Remulla, DILG.
Bukod sa pag-amin hinggil sa pagpaplano, kinumpirma rin ni Remulla na mismong ang tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang humanap ng paraan sa eroplanong pagsasakyan ni Duterte patungong The Hague, Netherlands.
“The plane is chartered by the Office of the President. We brought him (Former President Rodrigo Duterte) straight to Netherlands,” saad ni Sec. Jonvic Remulla.
Ayon sa legal counsels ni Duterte, maraming nilabag na batas ang mga awtoridad ng pamahalaan at mismong administrasyon sa pagsuko nito sa dating pangulo, na katumbas ng pagsuko sa soberanya ng Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan.
Hindi rin anila nasunod ang tamang proseso sa pag-aresto kay Duterte sa legal na usapin, pero iginiit ni Pangulong Bongbong Marcos na naaayon sa batas ang kanilang ginawa sa dating presidente.
Nahaharap sa kasong crimes against humanity si dating Pangulong Duterte kaugnay sa drug war campaign nito noong nanunungkulan pa siya bilang pangulo ng bansa dahil sa malawakang problema ng ilegal na droga sa Pilipinas.
Sa kabilang banda, mula sa 30 libong biktima umano ng EJK, lumabas na 43 lamang na mga biktima ang inihabla laban sa dating pangulo.