Pagpapaayos ng mga ospital, at health centers sa mga lugar na tinamaan ng lindol, iprayoridad – PBBM

Pagpapaayos ng mga ospital, at health centers sa mga lugar na tinamaan ng lindol, iprayoridad – PBBM

NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad ang pagpapaayos sa mga ospital, health centers at clinic sa mga lugar na tinamaan ng magnitude 7 na lindol.

Nabanggit ito ng Punong Ehekutibo sa isang situation briefing na ginanap sa Abra ngayong araw.

Saysay pa ni Pangulong Marcos, pagkatapos ng mga ospital at  health centers ay saka na aniya isunod ang government buildings at mga kabahayan.

Nagbigay naman ng direktiba ang Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na madaliin ang pagbubukas muli ng lahat ng mga lansangan.

Iniatas din ni PBBM sa concerned agencies na iprayoridad ang  restorasyon ng suplay ng kuryente maging ang linya ng komunikasyon sa mga lugar na apektado ng sakuna.

Kailangan din aniya na agad na maibalik ang suplay ng tubig.

Iniatas din ni Pangulong Marcos na gamitin ang air assets upang mabilis na mahatiran ng pagkain, tubig at tulong pinansyal ang mga naapektuhan ng lindol.

Sa pamamagitan aniya ng air assets, tiyak na maaabutan ng tulong ang mga nasa malalayong lugar.

Samantala, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng 750 Family Food Packs mula Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office.

Inabot ni PBBM nang personal ang naturang relief assistance sa mga pamilya ng Bangued, Abra na naapektuhan ng magnitude 7 na lindol.

Kasama rin sa pamamahagi ng relief goods si DSWD Secretary Erwin Tulfo at mga tauhan ng DSWD Field Office Cordillera Region.

Nakipag-usap din si PBBM sa mga hospital staff sa Abra para alamin ang kondisyon at pangangailangan ng mga biktima.

Nais naman ni Pangulong Marcos na mapuntahan ang mga tirahan ng mga apektadong pamilya para matiyak na ligtas ang mga ito.

Sa kabilang dako, pinasalamatan ni Abra Governor Dominic Valera si PBBM dahil sa personal na pagbisita nito sa kanilang lugar.

Samantala, nanawagan si Pangulong Marcos sa national government na makipag-ugnayan sa mga LGU para maiwasan ang pagkukulang o pag-uulit ng mga kailangang tulong ng mga apektado ng lindol.

Follow SMNI News on Twitter