PANSAMANTALANG sinuspinde ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Israel.
Ito ang kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III dahil sa nagpapatuloy na labanan doon sa pagitan ng Israel at Palestine.
Ayon kay Bello, hindi na matutuloy sa pag-alis ang mga overseas Filipino worker (OFW) na naproseso na ang kanilang mga dokumento dahil sa panganib.
Kabilang aniya sa suspendido ang deployment ng 400 Pinoy caregivers doon.
Nilinaw naman ni Bello na hindi ito ban at magpapatuloy pa rin ang pagproseso ng mga job application.
Sinabi ng kalihim na makikipag-ugnayan muna sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang masigurong ligtas ang mga OFW na makapunta sa nasabing bansa bago alisin ang suspensyon sa deployment.
(BASAHIN: OFWs, nakararanas ng takot at trauma dahil sa tumitinding tensyon sa Israel)