Pagpapagana ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, hindi pa napapanahon—AFP chief

Pagpapagana ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, hindi pa napapanahon—AFP chief

SA kabila ng sunud-sunod na pang aatake na ginagawa ng bansang China sa Pilipinas partikular na sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS), sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi pa napapanahon para paganahin ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Sa panayam kay AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. sa Camp Aguinaldo, sinabi nito na anumang oras ay nakahanda naman ang Amerika na tumulong sa Pilipinas.

Sa katunayan sa kanilang pag-uusap sa telepono sa Chairman of the Joint Chief of Staff ng US Armed Forces na si Charles Brown Jr., muli nitong tiniyak ang tulong ng kaalyadong bansa sa Pilipinas.

Kasama aniya sa mga pinag-usapan ang mga susunod na hakbang ng dalawang bansa lalo na para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa usapin ng Rules Based International Order sa Indo Pacific region.

Pero nilinaw ng AFP na hindi pa napapanahon para paganahin ang MDT sa pagitan ng dalawang bansa hangga’t hindi umaabot sa armed attack ang trato ng ibang bansa sa Pilipinas.

Matatandaang, nitong nakalipas lamang na araw nang muling makaranas ang mga barko ng Pilipinas ng pambobomba ng tubig mula sa China Coast Guard na ikinasira ng makina at layag ng ilang barko nito.

Bagama’t matagumpay pa rin namang naitawid ng bansa ang pinakahuling rotation and resupply mission nito sa mga nakahimpil na mga sundalo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Hindi rin nakikita ng militar ang napapanahong pagpasok ng Amerika sa usapin sa West Philippine Sea gayunpaman aniya, bukas ang dalawang bansa na i-activate ang matibay na alyansa nito oras na malagay sa alanganin ang seguridad ng Pilipinas o alinman sa dalawa.

Sa kabilang banda, patuloy rin ang paggiit ng China kasama ng panawagan sa Pilipinas na itigil na ang diumano’y groundless attack sa kanila dahil sa agawan sa Ayungin Shoal.

Ayon sa Foreign Ministry of China, sa kanila ang ang Ren’ai Reef o Ayungin Shoal na parehong ipinaglalaban ng Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble