Pagpapanatili sa fuel excise tax, inaprubahan ni PRRD

Pagpapanatili sa fuel excise tax, inaprubahan ni PRRD

INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng Department of Finance (DOF) na may kaugnayan sa epekto ng oil price hike.

Sa isang pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na kabilang sa aprubadong rekomendasyon ang pagpapanatili ng excise tax sa produktong petrolyo.

Mababatid na sinabi ng DOF na mababawasan ang government revenues ng 105.9 billion pesos o 0.5 percent ng growth domestic product o GDP ng 2022 kapag magpatupad ng suspensyon sa fuel excise taxes.

Malaking epekto ito sa ekonomiya ng bansa lalo’t ginagamit ang naturang kita para sa pagpopondo ng mga programa ng gobyerno.

Kung kaya nagbigay ng rekomendasyon ang Finance Department na gamitin ang sobrang tax money upang mamahagi ng subsidiya sa mga mas mahihirap na Pilipino.

Pahayag pa ng DOF, mas pabor ang pamahalaan sa “targeted subsidy” kaysa sa excise tax suspension sa mga produktong petrolyo dahil may pangmatagalang negatibong epekto sa ekonomiya ang pagpatutupad ng suspensyon.

Sa kabilang banda, umapela ang Finance Department sa mamamayan na gawin ang kaukulang pagtitipid ngayong nararanasan ang tuloy-tuloy na oil price increase.

 

Rollback ng presyo ng langis, posible sa susunod na linggo ayon kay Sec. Cusi

Posibleng magkaroon ng bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ito ang inihayag ni Department of Energy (DOE) dahil sa pangyayari ngayon sa Ukraine, Russia, at China.

Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, magkakaroon ng pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo kung bababa rin ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ani Cusi, maaaring bumaba ang demand ng langis sa China dahil nagpatupad ito ng lockdown.

Binalita rin nito na tuloy-tuloy na ang peace talks ng Russia at Ukraine.

Aabot sa limang piso kada litro ang maaaring mabawas sa presyo ng gasolina habang P12 naman ang mababawas sa presyo ng diesel sa susunod na linggo.

 

Follow SMNI News on Twitter