NANINIWALA ang Department of Justice (DOJ) na ipinapakita ng administrasyon ang epektibo at patas na pagpapatupad ng batas, partikular sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na total ban o tuluyan ng isara ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa buong bansa.
Dahil diyan ay tiniyak at nangako si Justice Secretary Crispin Remulla na suportado aniya ng DOJ ang naturang kautusan na inihayag ng pangulo kahapon sa kanyang SONA o ika-tatlong State of the Nation Address.
Batay sa utos ay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mamumuno sa pagpapasara sa lahat ng mga POGO sa bansa, habang ang Department of Labor and Employment (DOLE) naman ang mamamahala sa pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga empleyadong tatamaan ng pagsasara ng POGO.
Samantala nanawagan ang DOJ na magsama-sama ang lahat at suportahan ang pangulo para sa layunin na maging progresibo ang ating bansa.