TAPOS na ang re-trial ng korte ng Timor-Leste sa extradition request ng gobyerno ng Pilipinas para kay Dating Congressman Arnie Teves.
Muling kinatigan ng korte ang hiling ng Pilipinas na mapauwi ang dating kongresista batay sa kopya ng desisyon ng Court of Appeal ng Timor-Leste.
Matatandaan na sa pinakaunang pagdinig, pinaboran ng Timor-Leste Court ang extradition ni Teves, pero naghain ng pagtutol dito ang kampo ni Teves at sinabing may mali sa procedure ng trial dahil sa bilang ng mga huwes na humawak sa extradition case.
Ang procedural objections ng kampo ni Teves, tinanggap ng korte at binuksan muli ang pagdinig kung saan nga ay muling kinatigan ang hiling ng gobyerno.
Ayon kay DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano, inasahan na nila ang paborableng desisyon na ito ng korte pagkatapos ng re-trial.
“We are very happy and we welcome the decision. Halos naging parehas ang desisyon,” ayon kay Asec. Mico Clavano, Spokesperson, DOJ.
Ayon kay Clavano, naghihintay pa sila sa korte ngayon para sa susunod na proseso kabilang na rito ay kung maaari pang umapela si Teves para mabaliktad ang desisyon ng korte.
Dahil dito, wala pa silang maibigay na timeline kung kailan maibabalik sa bansa ang dating kongresista.
Pero kahit aniya makakapag-apela pa si Teves, kumpiyansa ang DOJ na hindi na magbabago ang desisyon ng Court of Appeal ng Timor-Leste dahil sa dalawang pagdinig na isinagawa ng korte ay kinatigan umano ng korte ang pagpapauwi sa dating kongresista.
Team ng DOJ, nasa Indonesia para sa pagpapauwi kay Mary Jane Veloso sa Pilipinas
Samantala, nasa Indonesia na ngayon ang team ng DOJ at DFA para sa pag-uusap kasama ang Indonesian Government hinggil sa pagpapauwi kay Mary Jane Veloso.
Biyernes ng umaga, ay kinumpirma ni DOJ Usec. Raul Vasquez na naroon na ito ngayon sa Indonesia.
Una nang sinabi ni Vasquez na maaaring magkaroon ng diskusyon kung may ibibigay na kondisyon ang Indonesian Government para sa pagpapauwi kay Veloso.
Sakali naman na tuluyan nang nakauwi sa Pilipinas si Veloso, ay nasa diskresiyon na aniya ng pangulo kung bibigyan ito ng executive clemency.
Si Mary Jane Veloso ay lagpas 10 taon ng nakakulong sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.