Pagpataw ng kaso sa kandidatong bumili ng boto, mahabang proseso—COMELEC

Pagpataw ng kaso sa kandidatong bumili ng boto, mahabang proseso—COMELEC

IPINALIWANAG ng opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa lalawigan ng Bohol ang kahihinatnan ng mga kandidatong nahuling bumili ng boto.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News team, binigyang-linaw ni Asst. Regional Election Director Verinico Petalcorin ang insidenteng vote buying na nangyari sa munisipalidad ng Jagna.

Ibinunyag ni Petalcorin ang posibleng mangyari sa dalawang tumatakbong kandidato ng pagiging konsehal sa diumanong pagbili ng boto.

“Mga alegasyon ‘yan sa mga nagreklamo. Mapupunta ‘yan sa law department sa Manila, magsasagawa ng preliminary investigation, matatagalan pa, at kung mapatunayan na may probable cause, e-file pa yan sa korte, tapos ang korte ang maghuhusga kung totoo ba na may vote buying na naganap. Papatawan ng kaso ang mapapatunayang lumabag sa batas, so it will take time, mahaba pa ang proseso,” pahayag ni Asst. Regional Election Director Verinico Petalcorin.

Sa ngayon, hindi pa masasabing totoo o hindi dahil ang korte lamang ang tanging puwedeng magdeklara nito.

Kung sakali naman na sila ay mapatunayang lumabag sa batas, maaaring makulong ang mga ito ng isa hanggang anim na taon at matanggal sa tungkulin. Hindi na rin sila puwedeng magtrabaho sa gobyerno kahit kailanman.

Sa kabuuan, nagtapos ang BSKE sa lalawigan ng Bohol nang matiwasay at mabilis ang naging takbo ng eleksiyon.

Sa mas pinalakas na puwersa ng kapulisan at kasundaluhan, naging mapayapa ang BSKE sa lalawigan.

Ayon sa isang COMELEC official, walang naging problema sa botohan at maayos na sumunod sa mga panuntunan ang mga botante.

“Kaninang umaga sa simula ng pagboto, okay lang walang problema na naranasan namin, ang mga botante naman ay sumunod sa mga nakasulat na mga palatandaan doon, so far smooth lang ang takbo ng eleksyon,” wika ni Salve Maria Peligro, EB Chair.

“In terms of voting, very fluent ang process, very calm ang voters, and sana magtuloy-tuloy na ito para ang kabataan, ito na ang simula, there’s an accurate and honest election,” ayon kay Allen Dumangcas, botante.

Nakaboto rin ang 67 persons deprived of liberty sa Bohol District Jail Male Dormitory na isinagawa sa loob ng jail unit, na may mahigpit na pangangasiwa ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Hangad ng mga Boholano na nawa’y ganito rin kabilis at kapayapa ang mga susunod na eleksiyon lalo na sa darating na national election sa 2025.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter