NAKIISA ang mga kabataan sa Brgy. Canumay West sa Valenzuela para sa mabilis at organisadong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Karamihan sa kanila ay hindi nahirapan sa mga inimplementang proseso ng eskuwelahan kung saan may nakahandang security at medical services sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Nakiisa rin ang mga kabataan ng nasabing barangay tulad na lamang ng estudyanteng si Mark, kung saan smooth process aniya ang kaniyang naging karanasan sa pagboto.
“Smooth po ‘yung proseso niya kasi sa labas may nag-aassist. Ibigay mo lang ‘yung name mo at ilalagay na rin nila ‘yung precinct number mo sa papel tapos pupuntahan mo lang at igui-guide ka rin ng mga tao sa labas,” ayon kay Mark Reyes.
Ito rin ang naranasan nina Mayor Wes Gatchalian at Sen. Win Gatchalian kung saan ayon sa mambabatas, mabilis ang proseso ng kanilang pagboto kumpara noong mga nakakaraang eleksiyon.
“Normally pag bumoto ako dito, ang antay ko mga 15 – 20 min, pero pagdating ko nakaboto kaagad ako. Dalawang dahilan, una nakita ko, ang tao nagbakasyon, 1 and a half weeks ang bakasyon natin sa barangay namin, na-ano ‘yung barangay at SK, tingin ko nakaapekto rin to sa interes ng taong bumoto,” saad ni Sen. Win Gatchalian.
“Ganunpaman, ang mensahe ko sa ating mga kababayan, na huwag nilang maliitin ang barangay, napakahalaga nito dahil itong pinakadikit sa tao,” dagdag ni Sen. Gatchalian.
Kabataan bilang susunod na lider ng bansa, binigyang-diin ni Sen. Win Gatchalian
Ayon naman kay Ashley, first time voter na estudyante na nakiisa sa BSKE 2023, may mga basehan siya sa pagboto ng SK upang matukoy niya kung sino ang kaniyang iboboto.
“Pagdating po sa SK, ‘yung naging basehan ko po is more on educational attainment especially po sa mga parang same age ko lang din po kasi mostly mga tumatakbo sa SK. So, nag base po ako kung gaano sila naging active nung high school or nung college days po,” wika ni Ashley.
Samantala, bumilib naman si Sen. Win sa ipinamalas na angking galing ng mga SK candidates at binigyang-diin na kailangang masuportahan din ang mga SK leaders bilang mga kabataan, ang susunod na pag-asa ng bayan.
“Ang gagaling po ng mga SK candidates natin, nakita ko sila nung kampanya at proud na proud ako dito sa Valenzuela, both sides no. Doon sa mananalo, matatalo, magagaling sila at sa mga SK voters natin, dapat bumoto rin sila dahil ito ‘yung mga susunod na leader natin at may pondo rin sila para sa mga youth programs natin na pumili tayo ng mga SK leaders na marunong gumamit ng pondo sa tamang mga proyekto,” ani Sen. Win Gatchalian.
